MANILA, Philippines - Patuloy sa pag-arangkada ang DZMM TeleRadyo sa ika-limang taon nito. Bukod sa paglulunsad ng mga proyektong bumago sa mukha ng radyo at telebisyon, umani rin ito ng maraming tagumpay at mga papuri para sa hindi matatawarang dedikasyon at paggamit ng makabagong teknolohiya sa paghahatid ng pinakamalalaking mga balita at mahahalagang impormasyon.
Malayo na ang narating ng DZMM TeleRadyo mula nang ilunsad ito noong 2007 sa Sky Cable Channel 22 sa Metro Manila. Ito ang natatanging radio-television channel na naghahatid ng tuluy-tuloy at walang patid na coverage ng mga malalaking pangyayari sa bansa – mula sa pananalasa ng mga mapaminsalang bagyo sa bansa gaya ng Bagyong Frank, Ondoy, Pedring, at Sendong; malawakang pagbaha sa Central Luzon, partikular na sa ilang bayan ng Bulacan; mga paglindol hindi lang sa bansa, kundi sa iba’t ibang panig ng mundo; trahedya ng 2010 Manila hostage drama at ang mga pangyayaring nakaapekto sa pagtatrabaho ng ating mga kababayan sa iba’t ibang panig ng mundo.
Dahil sa paggamit nito ng iba’t ibang uri ng teknolohiya sa nakalipas na mga taon, naihahatid ng DZMM TeleRadyo nang buo ang mahahalagang pangyayaring nagaganap sa loob at labas ng bansa.
Sa katunayan, sa unang taon pa lang ng DZMM TeleRadyo, tumatak kaagad ito sa publiko bilang kauna-unahang istasyong nag-ulat ng pagsabog sa Glorietta Mall sa Makati noong 2007 gamit ang 3G mobile phone technology at tinalo ang iba pang himpilan sa pagsasahimpapawid ng unang footage mula sa naturang lugar.
Sa nangungunang TV news at commentary cable channel din unang nasilayan ng mga tagapakinig at manonood ang paborito nilang anchors na dati, napapakinggan lang nila sa radyo.
Ngayon, mas naiintindihan ng publiko ang mga pinakamahalagang balita na hinihimay ng mga pinagkakatiwalaang mamamahayag sa bansa, sa pangunguna nina Kabayan Noli De Castro at Ted Failon sa kanilang mga programang Kabayan at Failon Ngayon. Napapakinggan at napapanood naman sina Kabayan at Ted sa Radyo Patrol Balita Alas Siyete.
Bukod dito, hatid din ng DZMM ang pinakabuod ng pinakabagong mga balita at iba pang impormasyon, gayundin ang mga tampok na serbisyo-publiko, sa pamamagitan ng TeleRadyo screen.
Lalo pang pinaigting ng TeleRadyo ang pagbibigay ng serbisyo-publiko nang simulang isahimpapawid tuwing gabi ang XXX: Eksklusibong, Explosibong Expose, Krusada, Patrol ng Pilipino, S.O.C.O (Scene of the Crime Operatives), at Ako ang Simula tuwing 9:15 p.m. mula Lunes hanggang Biyernes. Ito ang unang pagkakataong napapanood ng mga Pilipino ang mga current affairs program sa istasyong may teleradyo format.
Mas napatunayan pa ng DZMM TeleRadyo ang matagumpay na pagsasanib-puwersa ng teknolohiya at tradisyonal na radyo sa pamamagitan ng maraming parangal na natanggap nito. Kabilang na sa mga ito ang pagiging Finalist for Best Special Event Coverage ng DZMM Halalan 2010: Ang Bayan Naman sa TV category na iginawad ng ika-33 Catholic Mass Media Awards, sa Philippine Quill Awards ng International Association of Business Communicators Philippines at sa Anvil Awards ng Public Relations Society of the Philippines.
Dahil sa paglulunsad at pagpapalaganap ng naiiba at makabagong paraan ng pag-uulat, na tinularan na rin ng ibang istasyon, patuloy ang pagtangkilik ng mga manonood sa DZMM TeleRadyo sa loob at labas ng bansa.