Dahil sa pagiging negastar, aktres hindi nilalapitan ng suwerte

Negang-nega ang aktres na walang ginawa kun­di ang magreklamo kaya hindi malapit sa kanya ang suwerte.

Hindi lumilipas ang isang araw na hindi nagre­reklamo ang aktres at hindi rin siya nawawalan ng mga tao na inaaway.

Dahil super negastar ang hitad, iniiwasan na siya ng  mga kaibigan na ayaw mahawa sa kanyang hindi kanais-nais na ugali. Isang araw, magigising na lang ang aktres na nag-iisa dahil walang makatagal sa kanyang ugali.

Alessandra ayaw makisawsaw sa hiwalayang Heart at Daniel

“Read between the tweets” lang ang safe na sa­got ni Alessandra de Rossi tungkol sa balita na hi­walay na sina Heart Evangelista at Daniel Matsunaga.

Hindi na dinagdagan ni Alessandra ang kanyang statement dahil walang kinalaman sa buhay niya ang break up nina Heart at Daniel.

Tinanong si Alessandra tungkol sa mainit na isyu na pumutok kahapon dahil magkasama sila ni Heart sa Legacy.

Katrina at Kris,  babae ang panganay

Babae ang ipinagbubuntis ni Katrina Halili at ‘yon ang resulta ng ultra sound test sa kanya. Ang boyfriend ni Katrina na si Kris Lawrence ang nag-announce na baby girl ang kanilang magiging panganay.

Nagsalita noon si Kris na baby boy ang gusto niya para makapaglaro sila ng basketball. Kahit baby girl ang nasa sinapupunan ni Katrina, puwede rin siya na makipaglaro ng basketball sa kanyang fadir dahil may mga babae na mahilig maglaro ng bola.

Joey De Leon nagkaproblema sa maraming kapangalan

Inamin na ni Joey de Leon na hindi siya nakasama sa show ng Eat Bulaga sa San Francisco, California dahil nagkaroon siya ng problema sa US Embassy.

Jose de Leon ang tunay na pangalan ni Papa Joey at maraming tao ang kapangalan niya na pinag-ugatan ng problema niya.

Walang ipinagkaiba ang kaso ng name ni Papa Joey sa nangyari sa akin nang magpunta ako noon sa Hong Kong.

Na-hold ako nang matagal sa Hong Kong Immigration office dahil napagkamalan ako na terorista. Kasi naman, may babaeng terorista na Lolita Solis ang pangalan at nakatimbre siya sa HK Immigration. Ang ending, ako ang napagkamalan na si Lolita Solis, The Terrorist.

Dusa ang question and answer portion sa akin ng mga Immigration official ng Hong Kong dahil wala akong kinalaman sa terorismo na itinatanong nila pero kung tungkol sa harbatan ang mga question sa akin, masasagot ko ng walang kagatol-gatol.

Pinayagan din ako na sumakay ng eroplano na pabalik sa Pilipinas matapos ang mahabang tanungan dahil nakumbinsi ko sila na ibang Lolita Solis ang wanted ng Interpol.

Chef Boy nasa Mindanao ang mga kayamanan

Hindi puwedeng isnabin si Chef Boy Logro, ang pinakasikat na chef ngayon sa Pilipinas dahil sa kanyang top rating show sa GMA 7, ang Kusina Master.

Pinag-uusapan ng isang grupo na richie rich si Chef Boy at marami ang property niya sa Mindanao. Marunong daw humawak ng datung si Chef Boy kaya nakaipon ito at nakapagpundar ng mga ari-arian. Kahit hindi raw naging TV personality si Chef Boy, can afford siya na mag-relax at mamuhay nang komportable.

Show comments