Parang kinaiiritahan na demandahan ng dating magkaaway tuluy-tuloy kahit nagkaayos na!

MANILA, Philippines - Tuloy ang kaso ng dalawang showbiz personality na may matinding away three years ago pero kamakailan ay nagkaayos na. Kahapon ay nagkaroon ng hearing at nagpresenta ng witness ang nagsampa ng kaso. Pero ayon sa source, parang irritable na ang may hawak ng kaso dahil bakit pa nga naman itutuloy ang pagdinig sa kaso gayung nag-uusap na ang dalawang inaasunto.

Matagal pa ang itatakbo ng kaso dahil sa June pa ang susunod na hearing.

Naging sila lang ni Sarah, Gerald singer na rin

Uy magsasama sa unang pagkakataon sina Sarah Geronimo at Gerald Anderson sa isang music video dahil sila ang kumanta ng summer station ID theme song ng ABS-CBN na Pinoy Summer, Da Best Forever na ilulunsad ngayong Linggo (April 15) sa ASAP 2012.

So singer na si Gerald, naging ‘sila’ lang ng pop princess? Sa awitin nina Sarah at Gerald ipapakita, kasama ang pinakamalaki at pinakamaningning na Kapamilya personalities, ang tunay na kulay ng Pinoy summer at ipapamalas ang mga dahilan kung bakit ang Pilipinas ang pinakamagandang puntahan tuwing summer para sa mga turista at kababayan.

Ayon kay ABS-CBN Creative Communications head Robert Labayen, ang kagandahan ng summer sa bansa ay hindi lamang nakikita sa likas na yaman nito kung hindi sa mismong taong naninirahan dito, ang mga Pinoy.

“Isasalarawan sa summer station ID kung paano ipinagmamalaki ng mga Pinoy ang kanilang pinagmulan at mga pagpapahalaga sa pamamagitan ng mga idinaraos na festivals sa bawat lugar. Ilan sa mga isasalamin dito ang pagtutulungan, pagkakaisa, respeto, at pagmamahal sa sarili. Dagdagan pa ‘yan ng kulay at saya ng mga Pinoy na lalo pang magpapainit sa summer at mas magbibigay buhay sa selebrasyon,” sabi niya.

Katulad ng festival dancers na magbibigay ng libreng sakay kina Angelica Panganiban, Zanjoe Marudo, John Prats, Melai Cantiveros, Pooh, at Jason Gainza. Magpapaunahan naman sa pagkain ng mangga sa Guimaras ang It’s Showtime hosts na sina Anne Curtis, Vice Ganda, Vhong Navarro, Karylle, Billy Crawford, Kuya Kim, Ryan Bang, Colleen, Jugs, at Teddy.

Mas makulay din ang parada dahil sa makulay at namumulaklak na kasuotan ni Ai Ai Delas Alas sa isang floral float at mas masaya kung lahat ay sasama sa kasiyahan lalo na kung si Angel Locsin mismo ang mag-aaya gamit ang kanyang nakakaakit na ngiting Pinay.

Mapangahas naman na mag-cliff diving si Piolo Pascual para hanapin ang kagamitan ng kaibigang aksidenteng nahulog sa asul at malinis nating karagatan.

Ipapakita ni Bea Alonzo kasama ang mga matatabang majorettes ang tunay na kahulugan ng sexy habang tutulong naman ang ABS-CBN News anchors na sina Noli De Castro, Korina Sanchez, at Ted Failon sa prusisyon.

Ang theme song ay isinulat ni Christine Darla-Estabillo at musikang likha ni Marcus at Amber Davis.

Cast ng Kung Ako’y Iiwan mo at Princess and I, sasalubungin na…

Speaking of summer ID, lalong iinit ang summer ng mga Pinoy ngayong Linggo (Abril 15) sa ASAP 2012 dahil sa pasabog nina Gary Valenciano, Vina Morales, Piolo Pascual, Toni Gonzaga, Angeline Quinto, Jericho Rosales, Christian Bautista, Erik Santos, Jed Madela, at Piolo Pascual.

Sabay-sabay na sasalubungin ng ASAP Kapa­milya ang engrandeng back-to-back na pagbisita ng cast ng pinakabagong mga teleserye ng ABS-CBN na Kung Ako’y Iiwan Mo na pangungunahan nina Jake Cuenca, Bangs Garcia at Shaina Magdayao; at ang Princess and I  kasama ang pina­kabagong Primetime Princess na si Kathryn Bernardo at sina Albert Martinez, Gretchen Baretto, Dominic Ochoa, Lara Quigaman, Enrique Gil, Khalil Ramos, Daniel Padilla, at marami pang iba.

Matutunaw naman ang mga kababaihan sa nakakapasong production number nina Rafael Rossel, Markki Stroem, at Alex Castro; habang magpapakitang gilas din naman ang ASAP girls na sina Maja Salvador, Karylle, Erich Gonzales, Jessy Mendiola, Julia Montes, Bianca Manalo kasama ang My Girl winners.

 Muli na namang mapapabilib ang lahat sa pag-awit ng ASAP Sessionistas, ASAP Pinoy Champs at Boys R Boys; matinding collaboration nina Aiza Seguerra at Bamboo; at sa malupit na concert experience na handog nina Yeng Constantino, Paolo Valenciano at Arnel Pineda.

Nasulot na rin sa GMA 7 Miss World Philippines, nasa TV5 na

Nakahanap ng bagong tahanan ang Miss World Philippines sa TV5. Yes, nag-alsa balutan na sila sa GMA 7.

Matapos ang matagumpay na kauna-unahang Miss World Philippines noong nakaraang taon at ang naging 1st Runner-up ni Gwendoline Ruais sa Miss World pageant sa London, England na umere nga sa GMA 7, nakuha na ng TV5 ang rights sa nasabing pageant.

Sa pamumuno ni Cory Quirino, magsisimula nang galugarin ng Miss World Pilippines ang buong bansa para sa susunod na Miss World-Philippines sa pag-asang makamit ang koronang naging mailap para sa atin sa loob ng 61 na taon.

Ngayong taon, ang Miss World Pageant ay gaganapin sa Agosto 16 sa Ordos, Inner Mongolia, China, kung saan 113 na mga kandidata mula sa iba’t ibang panig ng mundo ang magtatagisan ng galing para maiuwi ang korona.

Ang Miss World ang pinaka-malaki at pinaka-matandang pageant sa kasaysayan na itinatag pa noong 1951 sa London, England.

Sa Hunyo, ipapalabas ng live sa TV5 ang Miss World Philippines 2012 na gaganapin sa Manila Hotel.

GMA Network, pumalag sa pagpasa ng right of reply sa Kongreso

 Sa kabila ng pagsuporta nito sa pagsasabatas ng isang freedom of information (FOI) law, nagpahayag ng oposisyon ang GMA Network, Inc. (GMA) sa pagsasama ng right of reply provision sa FOI bill na kasalukuyang nakabinbin sa Kongreso.

Sa liham kay Eastern Samar Representative at Chairman of the House Committee on Public Information Ben P. Evardone, sinabi ni GMA Vice President for Legal Affairs Ma. Luz P. Delfin na ang pagpilit sa media na maglaan ng mileage – maging sa print, on-air, o online – sa sino mang nagnanais na sumagot sa hinaharap na isyu ay hahamon sa journalistic freedom at editorial prerogative ng media organizations. 

Ayon kay Delfin, sa ilalim ng right of reply, maitatakda kung ano ang nararapat na ilabas ng media sa halip na hayaan itong mag-report ng ibang mas mahalagang balita na patungkol sa genuine public interest.

Ani Delfin, marami pa ring media practitioners – tulad ng GMA – na patuloy sa pagsunod sa kanilang sistema ng self-regulation at tradisyon ng patas at balanseng pagbabalita, at pinapatnubayan ng kani-kaniyang code of ethics. Mayroon ding mga ahensiya at mekanismo na tumitiyak sa pagsunod ng mga media organization sa mga alituntunin ng responsableng pagbabalita.

 Dagdag pa niya, maaring magtungo sa korte ang mga indibidwal na sangkot sa mga negatibong balita o ‘di kaya’y gamitin ang mga alternative media .                                                             

Show comments