Ipina-meet ng ABS-CBN sa media ang apat na pangunahing winners sa katatapus-tapos lang na Pinoy Big Brother (PBB) Unlimited na sina Paco Evangelista, 3rd runner-up; Joseph Biggel, 2nd; Pamu Pamorada, 1st; at ang grand winner na si Slater Young. Medyo na-disappoint lang ako na hindi sila gaya ng inaasahan ko.
For one, ang papayat nila, dati na ba nilang pangangatawan ito o nagutom lamang sila’t lubhang napagod sa loob ng Bahay ni Kuya? O baka totoo lang ’yung kasabihan na ang lahat ng lumalabas sa TV ay bumibigat at lumalaki ng 10 lbs. more?
Ang grand winner na si Slater na ang P2M na premyo ay ipangtutustos sa edukasyon ng mga anak ng ilan sa mga empleyado ng kumpanya nila ay parang mukhang pagod na pagod at nangangailangan ng pahinga. Hindi naman ito nakapagtataka dahil sa lahat ng season ng PBB ay ’yung sa kanila ang pinakamatagal. Tumagal ito ng 155 days o mga limang buwan, pinakamahaba sa kasaysayan ng reality show dito. ’Yung nakita ng mga manonood na pagiging humble niya sa loob ng bahay ay evident din sa pagsagot niya sa mga pang-uurirat ng press, hindi lamang sa naging buhay niya bilang housemate kundi bilang isang napaka-eligible na lalaki na mula sa isang may kayang pamilya, tapos ng kolehiyo at isang lisensiyadong inhinyero, at binata na walang karelasyon sa kasalukuyan. Inamin nito na matagal na silang break sa kanyang girlfriend nang pumasok siya ng PBB house sa gitna ng pagtutol ng kanyang pamilya. Nagbago na ang pananaw ng kanyang mga magulang sa konsepto ng PBB matagal pa bago matapos ang palabas at lalo na nang manalo si Slater.
Lahat ng apat nanalo sa PBB Unlimited ay gusto lahat mag-artista. Maski na ang sasabak sa kanyang pag-aaral na si Pamu. Ganundin si Biggel. Hindi ko sila masisisi dahil madaling mauubos ang prize money nila kung puro palabas lang ang mangyayari rito at hindi ito madaragdagan. Strike while the iron is hot, habang mainit pa sila hindi lamang sa publiko kundi maging sa ABS-CBN. Kapag lumamig na sila ay kanya-kanya na sila ng paghahanap ng mapagkakakitaan. Ngayon ay naghihintay lamang sila ng ipagagawa sa kanila ng network.
Medyo siguro, nagulat ang PBB Big 4 nang magalit ang isang veteran writer sa pare-parehong sagot nila na pagpapakatotoo ang sikreto para makuha ang titulo. Nang tanungin ng writer kung saan sila nagpapaka-totoo wala sa kanilang nakasagot. Isinalba ni Slater ang sitwasyon sa pagsasabing nagpakatotoo siya sa pamamagitan ng pagiging humble at pagiging isang role model sa mga manonood.
Nalagay naman sa alanganin si Paco nang magbiro ito sa pamamagitan ng pagsasabing papatol lamang siya sa bading kapag laos na siya. Nag-sorry naman siya kaagad.
Nilinaw din ng kumukuha ng law bago pumasok ng PBB na hindi totoong kamag-anak niya ang direktor ng PBB na si Laurenti Dyogi.
Bago iprinisinta ang apat, nauna nang ipina-interview si John Prats, ang latest member ng hosting group ng PBB na binubuo nina Toni Gonzaga, Bianca Gonzales, at Robi Domingo. Kahit kilala na at ang pagsali sa PBB simula sa Teen 2012 ay kapalit ng nawala niyang programang Happy Yipee Yehey, sumailalim pa rin sa isang audition si Pratty, tawag kay John ng malalapit sa kanya. Assignment niya ngayon ang pasayahin ang show.
Tungkol naman sa kanyang love life, sinabi ni John na masaya pa rin sila ni Bianca Manalo. Kari-renew lang nila ng mga kontrata nila sa Kapamilya Network at nagsusuportahan sila.
American dream ni Cheesa Laureta suportado rin ng mga Pinoy
Meron na namang isang Fil-Am na gumagawa ng pangalan sa US via a singing contest. Ito si Cheesa Laureta, anak ng isang amang Manilenyo at inang Cebuana. Isa siya sa 24 na kalahok sa pinaka-mahigpit na karibal na singing contest ng American Idol na The Voice. Tulad ni Jessica Sanchez sa American Idol na hinahangaan ng maraming Pinoy hindi lamang sa US kundi maging dito sa bansa, kasama ni Cheesa ang dalangin ng marami niyang kababayan dito na manalo sa sinalihan niya.
Lumipat ang kanyang pamilya mula Hawaii para masuportahan ang kanyang American dream. Ang kantang Total Eclipse of the Heart ang naglagay sa kanya sa Top 24. Sayang at kung makakapag-text lamang tayo para sa kanila ni Jessica, makatutulong tayo ng malaki sa laban nila. Baka nga maipanalo pa natin sila sa pamamagitan ng mga text votes. As it is, aasa na lamang tayo sa angkin nilang talento para maabot nila ang tagumpay.