MANILA, Philippines - Handog ng Asia’s Diamond Soul Siren na si Nina sa pumanaw na pop diva na si Whitney Houston ang kanyang show sa Music Museum sa gabi ng Abril 14.
Pinamagatang Timeless: Tribute to a Diva, isang klase ng pagpaparangal ang show ni Nina para sa international award-winning singer.
Pakinggan ang mga kanta ni Whitney Houston sa pamamagitan ng sarili nating award-winning artist na magbibigay-papuri sa alaala ng una.
Hindi na nakakagulat na haranahin ni Nina ang kanyang mga tagahanga sa pamamagitan ng mga kantang humubog sa industriya ng musika tungo sa kinalalagyan nito ngayon.
Hahalo ang soulful vocal ni Nina sa musical fluidity at pure melodies ng American diva. At kakaibang bersiyon ang bibighani sa mga manonood sa mga classic love songs ni Whitney na nagpasimula ng lahat sa mundo ng soul, pop, at R&B music.
Maraming international artists ang naimpluwensiyahan ni Whitney tulad nina Mariah Carey, Christina Aguilera, Celine Dion, at Beyoncé.
Maraming hadlang sa mga black artists ang sinira ng diva at nagbigay-daan sa ibang singer na gaya nina Janet Jackson at Anita Baker.
Pawang naging chart-topping hits noong 1990s ang mga popular soundtrack mula sa mga pelikula ng yumaong black singer na tulad ng The Bodyguard, Waiting to Exhale, at The Preacher’s Wife.
Pakinggan ang version ng Soul Siren na si Nina habang kinakanta niya ang mga iniwang musika ni Whitney Houston. Mabibili ang tiket sa Ticketworld (891-9999) at Music Museum (721-6726).