MANILA, Philippines - Pangungunahan ng bandang Kenyo ang Gran Matador Brandy concert sa Abril 14 sa Alcala Sports Center sa Lucena City.
Ang banda ni lead singer Mcoy Fundales ang kumanta ng Gran Matador Light radio jingle na Gaan na Gusto Ko. Kilala ang grupo sa pagtugtog ng vintage rock, British pop, Manila Sound at Filipino kundiman.
Ikinuwento ni Mcoy sa natuwa sila sa paggawa ng naturang jingle at sa pagiging Gran Matador Brandy endorser. “Bagay na bagay ang ‘Gaan na Gusto ko’ sa istilo ng banda namin. Lagi naming tinutugtog ito sa mga concert namin at talaga namang tuwang-tuwa ang mga nanonood,” wika ni Mcoy na makakasama ng Rocksteddy at Shamrock.
Ang iba pang concerts ay gaganapin sa Naga City (Abril 28), Pulilan sa Bulacan (Mayo 11) at San Juan City (June 22).
“Isang karangalan na maging endorser ng Gran Matador Light. Nagpapasalamat kami sa pagkakataong ito,” dagdag ni Mcoy na dati ring nanguna sa bandang Orange and Lemons.
Ang Kenyo ay nangangarap rin na makasama ang APO Hiking Society, Rey Valera, John Lesaca, Gary V., Lea Salonga, Cynthia Alexander at Arnel Pineda.
Sa kasalukuyan ay may ilalabas na single ang grupo na naglabas na ng dalawang album na Maharlika (2009) at Radiosurfing (2008).
May plano rin silang magkaroon ng concert tour sa buong Southeast Asia. “It’s more travel, more music, more opportunities to reach out to Pinoy music fans and more fun,”pagtatapos ni Mcoy.