Mga paring nagmimilagro nasa Patrol ng Pilipino

MANILA, Philippines - Kapag nabigo ng siyensiya at gamot, nagiging takbuhan ng mga Pilipino ang Diyos para humingi ng lunas ng kanilang mga sakit o ng kanilang kapamilya. Patunay nito ang libu-libong sulat na natatanggap ng mga simbahan na humihingi ng taimtim na panalangin para malunasan at maitawid ang pagsubok sa kanilang buhay. 

Ngayong panahon ng Kuwaresma, itatampok nina Apples Jalandoni at Pia Gutierrez sa Patrol ng Pilipino ang mga mirakulong hatid ng mga pa­ring nagpapagaling ng mga taong may malulubhang sakit gaya ng kanser at Alzheimer’s disease gamit lamang ang kanilang pananampalataya bukas (Apr 3) at sa Biyernes Santo (Apr 6) sa ABS-CBN. 

Tunghayan ang mala-MRI (magnetic resonance imaging) na mga mata ni Padre Efren ‘Momoy’ Borromeo, na sinasabing eksaktong nakakapagtuklas ng sakit ng mga taong kumukunsulta sa kanya. Samahan din si Apples sa pagdalo sa ‘healing Masses’ ng tanyag na Padre Joey Faller na minsan pa’y dumadayo sa iba’t ibang panig ng mundo para magpagaling lamang ng mga pas­yente.

Sa espesyal na dokumentaryo nina Apples at Pia, masasaksihan ang sari-saring kwento ng mga nananampalatayang nabago ang buhay dahil sa mapaghilom na kamay ng mga paring sinasabing instrumento ng Diyos sa lupa. 

Saksihan ang mga kuwento ng pananalig, pag­hilom, at pag-asa sa Patrol ng Pilipino ngayong ga­bi pagkatapos ng Bandila sa ABS-CBN o sa mas maagang pag-ere nito sa DZMM TeleRadyo (SkyCable Channel 26), 9:15 p.m. 

Show comments