MANILA, Philippines - Itinanghal na big winner ng Pinoy Big Brother (PBB) Unlimited ang Cebuano engineer na si Slater Young matapos makalap ang pinakamataas na porsiyento ng mga boto sa magdamag na botohan noong March 31 sa pagtatapos ng PBB Unlimited: Big Night at the Grandstand.
Hinirang na kauna-unahang lalaking Big Winner ang 24 years old na civil engineer na nagtatrabaho para sa negosyo ng kanyang ama. Ginusto ni Slater na maging housemate ni Kuya upang maging mas mature at independent sa kabila ng karangyaan sa buhay. Kinilala siya bilang isang matatag na lider na nagpakita ng angking talino at diskarte sa mga pagsubok sa loob ng PBB house, pati na rin ng kabutihan at pakikisama sa kapwa niya housemates.
Nakakuha siya ng 40.02% ng kabuuang bilang ng text votes at nagwagi ng P2 milyon, isang appliance showcase, Asian tour package, isang Internet TV, isang water-refilling store franchise, at special appearance sa isang Kapamilya program sa Estados Unidos.
Pumangalawa naman si Pamu Pamorada matapos makuha ang 21.49% ng mga boto at nag-uwi ng P1 milyon. Itinanghal namang third big placer si Joseph Biggel na nagkamit ng 21.39% ng mga boto, samantalang fourth big placer naman si Paco Evangelista na 17.10% ng mga boto ang nakuha. Nanalo sina Joseph at Paco ng P500,000 at P300,000.
Bilang patikim naman ng panibago at inaabangang edisyon ng PBB, ibinunyag ng mga hosts na sina Toni Gonzaga, Bianca Gonzalez, at Robi Domingo na makakasama nila ang aktor at dating PBB Celebrity Edition 1 runner-up na si John Prats bilang host ng PBB Teen Edition 4, na mag-uumpisa na sa Easter Sunday (April 8).