LOS ANGELES – Aksidenteng nalunod sa tubig sa bathtub hanggang mamatay matapos “magdurog” sa cocaine ang Grammy-winning singer na si Whitney Houston.
Ito ang idineklara kahapon ng opisina ng Los Angeles County Coroner na nagsabing nagpalubha sa sakit ni Houston sa puso ang pagkagumon niya sa droga.
Hininalang inatake sa puso si Houston kaya nadulas siya at nahulog at nalunod sa tubig ng kanyang bathtub sa kanyang hotel room sa Beverly Hills. Namatay ang singer sa edad na 48 anyos.
“Meron siyang sakit sa puso na pinalubha ng paggamit ng cocaine na naging dahilan ng pagkalunod niya,” sabi ng tagapagsalita ng Coroner na si Craig Harvey.
Sinasabi sa pahayag ng coroner na may cocaine sa katawan ni Houston nang mamatay at maituturing na aksidente ang kanyang pagkasawi.
Ipinahiwatig ng coroner na walang foul play na nangyari sa pagkamatay ni Houston noong Pebrero 11.