MANILA, Philippines - Kung hindi ka nakapanood ng Annebisyosa concert o kung gusto mo lang makita muli si Anne Curtis, mapapanood mo siya ng ‘live’ sa GSM Blueniversity Flair Idol, ang pinakamalaking flairtending and mixology competition para sa mga estudyante ng Hotel and Restaurant Management (HRM) sa darating na Marso 30 sa Metrowalk sa Pasig City.
Makakasama ni Anne ang mga bandang Itchyworms, Callalily, at Rocksteddy na pinangungunahan ng mga kasama niya sa It’s Showtime na sina Jugs Jugueta (Itchyworms), Teddy Corpuz (Rocksteddy) at Kean Cipriano (Callalily). Magkakasama sila sa television commercial na Lahing Ginebra, Ikaw Na.
“Masaya akong makasama sa event na ito. Makakatulong kasi ito sa mga HRM students na gustong gumaling sa flairtending at mixology. Maganda ang programang ito ng GSM Blue dahil makakatulong sa kinabukasan ng mga sasali,” wika ni Anne na inaasahang kakantahin ang mga kanta niya mula sa album na ‘Annebisyosa.’
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na dalawang babae ang kasama sa finals. Sila ay sina Tracy Marie Mabal at Marie Fatima Villarino na nag-aaral sa University of Cebu Main. Cash prize na P40,000 at mobile bar business ang mapupunta sa grand champion. Ang first at second runners-up naman ay mag-uuwi ng P20,000 at P15,000, ayon sa pagkakasunod.