MANILA, Philippines - Bibigyang pugay ng Us Girls ang Icons of the Year nitong sina KC Concepcion, Angel Locsin, at Anne Curtis sa isang espesyal na women empowerment episode ngayon (March 22) sa Studio 23.
Sisilipin ng premier lifestyle magazine show ang kuwento ng tagumpay ng tatlong Kapamilya stars pati na rin ang kanilang kasulukuyang kasikatan at impluwensiya sa showbiz at fashion na umani sa kanila ng pinakaprestihiyosong parangal sa taunang August Awards ng programa.
Tatalakayin din kung paano nila nagagampanan ang kanilang responsibilidad sa fans at lipunan bilang role models at ang kanilang pagkakawanggawa, na isa ring batayan ng paghirang sa kanila bilang Icons of the Year.
Babalikan naman ng hosts na sina Iya Villania, Angel Aquino, at Chesca Garcia-Kramer ang mga exciting na karanasan sa pakikipagpalit nila ng trabaho sa iilang Kabarkada gaya ng pagiging salon attendant, waitress, at tagagawa ng sapatos. Magbibigay din sila ng mga praktikal na maaaring gawin ngayong summer, pati na tips sa pagpapaganda sa tag-init.