Ikinumpara pa kay BB Gandanghari: Sharon napuno sa bashers ni KC, nagsalita na tungkol kay Piolo!

PIK: Tuwang-tuwa si Rhian Ramos na nagkukuwento sa amin na bumalik na raw sa dating takbo ang kanyang trabaho pagkatapos ng My Kontrabida Girl.

Nasa ribbon-cutting ito ng ABE International Business College sa Cainta kamakalawa ng umaga.

Isa ito sa mga endorsement niyang patuloy na sumusuporta sa kanya.

Paghahandaan na rin daw niya ang drama series na gagawin niya sa GMA7. Ayaw pa niyang sabihin sa amin kung sino ang makakasama niya pero may duda kaming si Aljur Abrenica ito.

Mabuting sa trabaho na raw muna siya mag-concentrate at wala raw muna siyang panahon sa love life. Kahit da­ting ay wala muna sa kanya dahil hindi naman daw siya lumalabas ngayon.

PAK: Nag-emote na naman si Sharon Cuneta sa kanyang Twitter account dahil pinatulan na naman nito ang mga bashers niya.

Pati kasi ang anak niyang si KC Concepcion ay dinadamay kaya hindi na ito nakapagpigil.            

Nalaman pa niyang mga maka-Piolo Pascual daw itong mga tumitira sa kanya kaya tuluy-tuloy na naman ang litanya nito sa Twitter.

May mga pasaring pa siya tungkol sa pagiging tunay na lalaki.

Nakakaintriga pa ang ibang tweet nito na gusto raw niyang kumanta ng Di Ako Baklakaklaklakla.

Ang isa pang nakakalokang tweet niya ay; “I respect BB Gandanghari because totoo siyang tao.”

Meron pang : “My friends are gay & decent too. And DI NANLILINLANG.”

May mga ilan pa itong tweet na binura na niya.

BOOM: Tahimik muna ngayon si Kris Lawrence sa isyung siya ang ama nang ipinagbubuntis ni Katrina Halili.

Nakatakdang magsalita si Katrina sa Startalk sa darating na Sabado para sagutin na ang isyung ito.

Ang narinig namin, nakahanda naman daw si Kris na sagutin ang pagbubuntis ni Katrina, pero wala raw balak ang huli na magpakasal. Gusto lang daw niyang magkaroon ng baby.

Abangan na lang sa Startalk ang kabuuan ng kuwentong ito na kung saan may exclusive interview si Ricky Lo kay Katrina.

Show comments