Mama Salve, naniniwala ako na nagbabasa ng PSN si Batangas Governor Vilma Santos dahil memoryado niya ang lahat ng mga isinusulat ko sa aking kolum.
Nagkita kami ni Vilma noong Lunes sa Le Souffle para sa birthday treat niya kay Baby K. Jimenez at dito ko nalaman na updated siya sa mga balita na lumalabas sa PSN.
Napabilib ako ni Vilma dahil sa dami ng kaalaman niya tungkol sa current events, pati na sa medical condition ng kanyang Mommy Mila.
Marami akong natutunan tungkol sa Alzheimers Disease dahil sa malinaw na explanation ni Vilma.
Ikinuwento ni Vilma na tinuturuan na siya ni Janice de Belen kung paano mag-tweet at natututo na siya pero mukhang hindi na niya itutuloy ang plano na magkaroon ng Twitter account dahil sa mga horror story na kanyang naririnig.
Sa totoo lang, hindi ko papayuhan ang mga artista na mag-tweet o maki-join sa Twitter world kung ayaw nila na magulo ang kanilang mga buhay. Kahit anong ganda pa ang mga balita na ibabahagi nila sa fans, siguradong may mga mang-iinis sa kanila, lalo na ‘yung mga walang magawa sa buhay at happiness na ang mambuwisit ng kapwa.
Ginagawa nina Vilma at Janice ang pelikulang The Healing ng Star Cinema at kapag breaktime, sari-saring bagay ang mga napag-uusapan nila gaya ng mga Twitter at Facebook.
Naadik sa pajo
Matagal nang naglilingkod si Vilma sa Batangas kaya ang feeling nito, Batangueñang-Batangueña na siya, lalo na nang magkuwento siya tungkol sa obsession niya sa pagkain ng napakasarap na pajo.
Sa mga hindi pamilyar sa pajo, uso ito tuwing summer at tinatawag na smallest version ng mangga. Masarap isawsaw sa bagoong at asin ang pajo na paboritong kainin ng gobernadora ng Batangas.
Parang nakaramdam ako ng gutom at nag-crave sa pajo habang nakikinig ako sa with so much feelings na kuwento ni Vilma.
Jennylyn nanggagaya!
Napanood pala ni Vilma nang mag-dialogue si Jennylyn Mercado ng “I love you Lucky” sa isang episode ng Showbiz Central.
Si Vilma ang nagpauso at original na nagsabi ng “I love you Lucky” dahil ito ang kanyang palaging sinasabi noong may musical variety show pa siya sa GMA 7.
May “K” si Vilma na mag-dialogue ng “I love you Lucky” dahil siya naman ang madir ni Luis Manzano na type ko na maging manugang.
Masuwerte ang magiging asawa ni Luis dahil very responsible siya. Kayo na ang magkaroon ng taxi business na may 70- cars na bumibiyahe sa Metro Manila.
Gwen hindi ilusyunada
Bago ko makalimutan, showing today sa mga sinehan ang The Witness ng Skylar Pictures at GMA Films.
Starring sa The Witness si Gwen Zamora na star na star sa poster ng The Witness. Very lucky girl si Gwen dahil nabigyan agad siya ng chance na maging bida sa isang international movie.
Ang maganda kay Gwen, hindi siya nagmamadali. Kahit siya ang lead actress ng The Witness, hindi nag-e-emote si Gwen na hindi pa ito nakakapagbida sa mga teleserye ng GMA 7.
Type ko ang attitude ni Gwen dahil alam nito kung saan lulugar. Hindi siya ilusyonada. Hindi siya katulad ng isang aktres na ayaw nang gumanap na kontrabida dahil bida roles na raw ang kanyang mga ginagampanan! Siya ang aktres na masarap sampal-sampalin para matauhan at mabura ang ilusyon sa katawan!