Ayaw pa kasing aminin: Singer na pa-macho buking sa boses na pambabae!

Girl na girl ang male singer na na-sight ko sa TV noong isang araw dahil boses-babae na siya.

Matagal nang pinagdududahan ang gender ng male singer pero dedma ito sa mga pang-iintriga sa kanya.

Pasadung-pasado na ang macho look ng singer. ’Yun nga lang, na-betray siya ng kanyang bo­ses na nagbabago ang timbre kapag bumibirit ang macho looking singer.

Sen. Bong hinahanda na ang pang-MMFF 2012

Excited ako sa pelikula na pagbibidahan ni Sen. Bong Revilla, Jr. at isasali sa 2012 Metro Manila Film Festival.

Sure na ako marami ang matutuwa sa project na inihahanda ni Bong. Ito ang project na sinasabi niya na ikagugulat ng lahat nang mag-renew siya noon ng kontrata bilang endorser ng AMA University.

Isa ako sa mga mag-aabang sa pagsisimula ng shooting ng bonggang-bonggang project ni Bong na malapit na rin na magkaroon ng isang malaking teleserye sa GMA-7.

Julia love na love ng mga makeup artists, malayo sa malditang aktres na pinagwelgahan ng mga taga-make up

Happy ako sa success ni Julia Montes dahil alam ko ang kuwento ng kanyang malungkot na buhay.

Hindi nakapagtataka na napaiyak si Julia sa kanyang birthday celebration kahapon sa ASAP. Siguro bumalik sa alaala niya ang kanyang nakaraan, ang mga hirap na pinagdaanan bago siya naging artista.

Nagkikita kami noon ni Julia sa parlor ni Bambbi Fuentes sa Timog Avenue, Quezon City. Love na love si Julia ng mga makeup artists ni Bambbi dahil mabait at magalang siya.

Malayung-malayo si Julia sa isang aktres na iniiwasan ng mga makeup artists. Mabait at sweet ang image na ipino-project ng aktres pero malupit ang pakikitungo niya sa mga nagme-make up sa kanya.

Dahil sa masamang pag-uugali, pinagwelgahan ng mga makeup artists ang aktres! Dedma sila kahit pa malaki ang ibayad sa kanila ng maldita dahil mas mahalaga ang respeto nila sa sarili.

Luis Gonzales never nagsuplado

Inilibing na kahapon sa simbahan ng Sanctuario de San Antonio, Forbes Park ang abo ng dating matinee idol na si Luis Gonzales na sumakabilang-buhay noong Huwebes dahil sa pneumonia.

Huling nasilayan ng publiko si Mang Luis nang dumalo ito sa unveiling ng kanyang bituin sa Walk of Fame Philippines noong December 2010.

Ipinagluksa ng movie industry ang pagpanaw ng isa sa mga aktor na pinasikat noon ng Sampaguita Pictures.

Isa si Mang Luis sa mga mababait na artista na nakilala ko. Hindi siya kagaya ng kanyang ibang mga kasabayan na may pagka-suplado. Active pa si Mang Luis sa showbiz noong mag-umpisa ang career ko bilang reporter. Iniisip ko nga kung naharbatan ko si Mang Luis noong araw.

Maraming pelikula na pinagsamahan noon sina Mang Luis at Mang Dolphy. Hindi sila nagkakalayo ng edad dahil parehong 83 years old ang dalawa na kapwa sumikat sa bakuran ng Sampaguita Pictures.

Si Gloria Romero ang ka-love team noon ni Mang Luis sa Sampaguita. Pinakasikat sa mga pelikula na ginawa nila ang love story nina dating Pangulo Ferdinand Marcos at former First Lady Imelda Marcos na isinalin sa big screen ng movie production nina Doc Perez at Mommy Nene Vera-Perez.

Show comments