MANILA, Philippines - Lalo kayong masisiyahan sa ikalawang yugto ng summer special na ang host, staff and crew ng Life and Style With Gandang Ricky Reyes na dumayo pa sa Malaysia.
Ang Philippine Ambassador sa Malaysia na si HE Ed Malaya ang nagmistulang tour guide ni Mader Ricky para makunan ang mga matulaing pook sa nasabing bansa na dinarayo ng mga turista. Ang ginoo rin ang nag-ayos ng iskedyul para makapanayam ang mga Pinoy na may matagumpay na negosyo roon.
Pinatunayan ng concert producer na si Charina Vergara at may-ari ng isang forwarder company na si Tess Dizon na magaling ang Pinoy kahit saan at kahit kalian lalo’t may talino, sipag at tiyaga ang mga ito. “Napatunayan din ng mga Pinay na ito na hindi lang sa larangan ng musika, boksing, bowling at iba pa pang sports gumagawa ng pangalan ang ating mga kababayan,” sabi ni Mader RR.
Patutuluyin naman ng isang Pinay na ang asawa’y miyembro ng Royalty ang beauty guru sa kanyang malapalasyong tahanan. Ipakikita rin ng babae ang kanyang kuleksiyon ng mga super-mahal at sikat na mga bag na ang tatak ay Birkin at Hermes. Kung kukuwentahi’y isa nang malaking kayamanan ang total na halaga ng mga koleksiyong ito.
Siyempre pa, titikim si Mader ng mga prutas, gulay at lutong pagkain na tunay na Malaysian. Nalimutan niya ang diet dahil sa sarap ng mga ito.
Abangan tuwing Sabado 10:00 to 11:00 a.m. sa Life and Style na produksiyon ng ScriptoVision.