Inaabangan ang paglitaw sa publiko ni BB Gandanghari na kung paniniwalaan ang mga bali-balita ay ang TV5 ang nagpauwi rito sa bansa. Kaya naman una siyang mapapanood sa Paparazzi sa Sabado at balitang si Zoren Legaspi ang makaka-one on one.
Hindi ko masisisi kung atubili man ang intrigerong ama ng mga anak ng dating ex ni BB na si Carmina Villaroel. ’Di birong makausap ang unang asawa ni Carmina at anong mga tanong ang puwede niyang ibato na hindi siya lalabas na pakialamero at bastos.
Sabi ni kasamang Cristy Fermin habang nalalapit ang paghaharap ng dalawa ay lalong nagmumukhang kabado at hindi sigurado ang dati rati’y napakatapang nilang male co-host sa show.
Cristine tiklop kay Ara
Kung inaakala ng marami na makakakuha sila ng reaksiyon kay Cristine Reyes tungkol sa napabalitang pakikipaghiwalay ng “ate” sa non-showbiz boyfriend nito, mabibigo sila. Binago na ng panahon ang relasyon ng magkapatid. Kung dati ay parang kay Cristine pa nagmumula ang maraming hindi magagandang pahayag tungkol kay Ara Mina, hindi na ngayon. Masyadong masaya ang love life ng Kapamilya actress para i-tackle ang failed relationship ng kapatid.
Hindi rin niya tinatanggap na naungusan na niya ang kapatid sa puntong ito ng kanyang karera.
“Marami na siyang napatunayan, meron na rin siyang mga awards. Kailangan niya ng ibang buhay for herself. Payag na siyang mag-settle down. ’Tapos nangyari pa ’yung hindi inaasahan,” sabi ng aktres na nabigyan na naman ng magandang role ng ABS-CBN sa Dahil sa Pag-ibig.
“I’m proud of my ate’s achievements. Nung panahon niya, she was Goddess of the Millennium, nag-iisa siyang may hawak ng titulong ito. Ako nga feeling ko hindi pa ako ready na maging Box-Office Queen na sinasabi ng lahat na puwede kong makuha. Parang hindi totoo although kung masosorpresa ako ay magiging isang napakagandang sorpresa para sa akin.”
Samantala, para patunayan na okay na talaga sila ni Sarah (Geronimo), payag sila ni Rayver na mag-guest sa show nito kung maiimbitahan sila.
Direk Yam nilalait?
May effort ba na maliitin ang naging pagpupunyagi ng maraming director in the past na maipalabas din ang kanilang mga pelikula sa ibang bansa, “released” man ito o “commercially released in the US mainstream theatrical and video on demand market” na tulad na sinabi ng direktor ng The Road na si Yam Laranas?
Ang The Road na nakatakdang mapanood sa US sa buwan ng Mayo at ipamamahagi ng Freestyle Releasing ay kini-claim ng direktor ng GMA-produced film na pinakaunang pelikulang Pilipino na maipapalabas sa US sa kategoryang kanyang binanggit. Patutunayan niya ito sa mga darating na araw hanggang sa pagpapalabas nito na mainstream ang The Road kumpara sa Little Voices ni Gil Portes at Crying Ladies ni Mark Meily.
Ipinakikiusap ni Laramas na huwag maliitin ang kanilang pagpupunyagi na siyang dahilan kaya maraming local na art films ang unti-unti nang napapanood sa abroad.