MANILA, Philippines - Ay habang wala palang ginagawa ang superstar na si Nora Aunor, ang pagre-record ng album ng kanyang boyfriend na si John Rendez ang pagkakaabalahan niya. Yup, ipagpo-produce ni Nora ang BF ng album ayon sa insider ng TV5
Pinag-uusapan pa raw kasi ang susunod na project nito sa TV5 na serye. Wala pa raw kasing final kung ano ba talagang gagawin ng superstar sa kanyang home studio.
Samantala, hindi na pala ang TV5 ang nagbabayad ng tirahan ng actress. Noong unang dating lang daw nito sa bansa pero ngayong guaranteed ang contract nito sa Kapatid Network, hindi na nila sino-shoulder ang gastos nito.
Gabby Lopez nanguna sa 7th Pinoy Media Congress
Tiniyak ng ABS-CBN Corporation chairman Eugenio “Gabby” Lopez III na ipagpapatuloy ng Kapamilya network ang paggawa ng mga makabuluhang programa na nagpapahalaga at nagbibigay lakas sa mga manonood.
“Ang magandang pakiramdam na nakakagawa tayo ng isang bagay na may mabuting epekto o nakatutulong sa mga tao araw-araw ay mas mahalaga,” sabi ni Lopez sa pagbukas ng 7th Pinoy Media Congress na idinaos kamakailan sa Colegio de San Juan de Letran sa Maynila na dinaluhan ng daan-daang estudyante at guro ng mass communications at journalism mula sa iba’t ibang kolehiyo at pamantasan sa bansa.
Binigyang diin ni Lopez ang mahalagang tungkulin ng mga kabataan sa kinabukasan ng media at marami pang dapat gawin upang mapabuti ang Pilipinas. “Lahat ito ay nasa kamay ninyong mga kabataan na nais maging bahagi ng media. Dahil ang media ay may kapangyarihang makalikha ng pagbabago sa bayan sa pamamagitan ng pagbabahagi ng tamang pag-uugali, tamang adbokasiya, at tama at totoong impormasyon,” sabi ni Lopez.
Tulad ni Lopez, nagbahagi rin ng kaalaman ang ibang opisyal ng ABS-CBN tulad nina digital terrestrial TV marketing head Miguel Mercado na pinaliwanag kung ano ang digital TV at paano makikinabang ang mga Pilipino sa teknolohiyang ito na ikina-excite ng mga delegado; news and current affairs head Ging Reyes na iginiit na sa kabila ng maunlad na teknolohiya, laman ng balita pa rin ang mahalaga sa pamamahayag; Star Cinema concept development group head Enrico Santos na binilinan ang mga kabataan kaugnay ng mga malikhaing paraan upang maging ‘socially responsible’ ang mga pelikulang Pilipino; at si creative communications head Robert Labayen na tinalakay kung paano kukurutin ang puso ng mga manonood gamit ang advocacy plugs.
Buong sigla namang napatayo ang PMC delegates ni ABS-CBN Foundation Inc. managing director Gina Lopez dahil sa panawagan nitong “Yes to Life! No to Mining in Palawan!” at nina regional network group head Jerry Bennett at RNG news and online business head Charie Villa dahil sa on-the-spot contest nitong tungkol sa kampanya nilang Choose Philippines.
Samantala, nagbigay suporta naman ang mga Kapamilya stars sa taunang PMC. Dinumog sina Jericho Rosales, Angeline Quinto, at Pinoy Big Brother ex-housemates.
Ngunit pinakadumagundong ang venue nang lumabas ang isa sa mga bida ng upcoming teleserye ng ABS-CBN na Dahil sa Pag-ibig na si Jericho. Habang umaawit si Jericho, hindi na nakapagpigil ang karamihan sa mga kabataan na sumugod sa stage upang makalapit nang husto sa kanya. Game na game naman si Echo na nakipagkamay, yumakap, humalik, at nagpa-picture pa sa kanyang fans.
Vice willing magpa-retoke!
Bilang isang kilalang public figure, alam ni Vice Ganda na ang mga mata ng publiko ay palaging nakatutok sa kanya, handang maghusga sa kanyang mga ginagawa, sinasabi at kinikilos. Mahalaga rin ang physical appearance, isang aspeto ng pagiging sikat at popular.
Mula sa hosting gigs niya sa Showtime araw-araw at ang weekly na Gandang Gabi Vice hanggang sa kanyang mga naka-line up na projects, alam ni Vice na puhunan niya ang kanyang itsura.
Sa pagiging pinakabagong celebrity endorser ng Belo Medical Group, malaki ang pasasalamat ni Vice sa blessing na dumating sa kanya. “Palagi akong may oily skin. ‘Yan ang pinaka-malaki kong problema at frustration. Dapat every commercial break nirere-touch ako para ma-control ang oil. Nagkaroon din ako ng maraming pimples at ang iba nag-iwan pa ng marks. So ito ang priority ko. Dream ko rin ang magkaroon ng smooth at flawless na kutis. Alam ko na matutupad ‘yan dito sa Belo.”
Importante rin kay Vice ang kanyang pagiging slim at naniniwala siya na tutulungan siya ng Belo na ma-maintain ang pagiging in top shape.
Ang thoughts niya sa plastic surgery, “Hindi ako against sa plastic surgery. Pag dumating ang araw na kailanganin ko na, hindi ako magda-dalawang isip na gawin yon.”