MANILA, Philippines - Gaya nang ipinangako ng Life And Style With Gandang Ricky Reyes may mga bagong panoorin sa programang ito ng GMA News TV na umeere tuwing Sabado alas-diyes hanggang alas onse nang umaga.
Bilang unang handog na pang-Summer ay darayo si Mader Ricky sa Cebu upang dalawin ang mga lugar na kinagigiliwan ng mga local at foreign tourist.
Sasampolan ni Mader ang pinakamahal na hamburger sandwich sa bansa na ang karne ay Wagyu na galing pa sa Japan - P1,800 kada order ang halaga ng burger na tanging sa Manny O’s ng Movenpick Resort and Spa matatagpuan. Iinterbyuhin naman ang dalawang matagumpay na Cebuano. Una’y si Dr. Edward Dapor na naging TESDA Galing Ng Pinoy Magsaysay awardee sa naimbentong Shredder Machine at Oxygen Generator na malaki ang naitutulong sa mga pasyente sa mga ospital sa Bisaya at Mindanao. Ikalawa’y ang isang barbero na dahil sa sipag at tiyaga’y isa nang certified milyonario ngayon.
Kung mahilig kayo sa basketball ay kilala ninyo ang tinawag na King of Rebound na si Ramon Fernandez. Nang magretiro’y sa Cebu na tumira si Mon at nagbukas ng pabrika ng suka. Ito’y ang Negosyong Presidente Suka na sikat ngayon at talagang dinarayo ng mga naghahanap ng ipapasalubong.
Sa inaabangang segment na dream-come-true ang tema’y isang Cebuanong may “hairlip” o ngongo ang ipaoopera ni Mader. Siyempre, tuwang-tuwa ang lalake dahil di na raw siya lilibakin ngayon ng ibang tao sa kanilang barangay.
Tutukan ang Biyaheng Cebu ng LSWGRR na handog ng ScriptoVision.