Hindi nakapagtatakang magli-limang taon na ang relasyon nina Toni Gonzaga at Paul Soriano. Wala kasi silang masyadong requirement sa isa’t isa. Kung anong meron sila ’yun na lang ang ini-enjoy nila. Walang problema si Toni, lalo na ang boyfriend niya, sa mga roles na tinatanggap niya. Wholesome ang mga ito.
At kahit marahil luminya siya sa mga mature roles na hihigit pa sa maipagkakaloob niya pero hindi lalabis sa hinihingi ng kagandahang asal ay hindi magkakaproblema si Toni dahil walang restrictions sa kanya ang boyfriend niyang direktor of almost five years. Sabi nga ni Toni, bago pa siya nito pagbawalan ay mauuna na muna ang Mommy Pinty niya na siyang tumatayong manager niya. Hindi lamang naman pagtatago ng mga pinaghirapan niyang kita ang ginagawa para sa kanya ng kanyang ina, tinitiyak din nito na ang tatanggapin niyang roles para sa dalawa niyang anak na artista ay ’yung makakaya lang nila at naaayos sa kanilang faith. So far, both Toni and Alex are living their dreams. ’Yung mga pinapangarap lamang nilang gawin have become reality.
Add to this the fact na bukod sa natupad ang mga pangarap niya ay nabigyan pa niya ng magandang buhay ang kanyang sarili at pamilya. May mga investments siya sa lupa, may ipon sa bangko, at nagbabalak pa sila ni Alex na magsosyo para sa isang negosyo.
Sa kabila ng kanyang kaabalahan sa araw-araw na pagiging host ng Pinoy Big Brother Unlimited Edition, madaragdagan pa ang kanyang trabaho. Isang buwan siyang magbibida sa Wansapanataym na magsisimula sa Sabado, Marso 10.
Maraming Kapamilya actresses ang puwedeng bigyan ng assignment na ibinigay ng ABS-CBN kay Toni pero isa sa iilan na makapagtuturo ng leksiyon sa mga kabataan at maging sa nakatatandang miyembro ng pamilya nang hindi magmumukhang nasa classroom sila kundi sa loob ng bahay at nagkakasayahan ang TV host-actress-singer.
Sa fantaserye, magbibigay si Toni ng mahahalagang aral bilang isang witch, lalaking nagpalit ng anyo bilang babae, isang kakaibang weather girl.
Magiging bahagi rin ng month-long series sina Guji Lorenzana, Isay Alvarez, Atoy Co, Angel Sy, Nina Dolinio, Eda Nolan,Tess Antonio, Cecile Paz, Dexter Doria, at marami pang iba.
Ang unang dalawang episodes, ang Witchy Mitch ay nasa panulat ni Joel Mercado at direksiyon ni Eric Salud. Ang Hannah Panahon ay sinulat ni Noreen Capili at dinirek ni Don Cuaresma.
JBrothers tuloy ang music career sa 6th album
Dekada 90 pa nakilala ang JBrothers na binubuo ng magkakapatid na Joy, Jay, at Jim Jimenez. Ibinalik nila ang tunog ng jukebox nung ’90s hanggang 2000s sa pamamagitan ng mga sentimental hits nilang tulad ng Sana’y Bigyan Mo ng Pansin, Dear Ana, Wait For Me, Baby I Love You, Labanan Natin ang Tukso, Kung Sakaling Ikaw ay Lalayo, at marami pa.
Parang na-miss lang sila sa eksena nang mag-tour sila ng Japan at iba pang bansa sa Asya. Binalikan nila ang music circuit nung 2006 sa pamamagitan ng isang nakakahawang reggae-novelty na pinamagatang Pasaway na gumawa ng Last Song Syndrome (LSS) frenzy. Kasabay ng kanilang pagiging aktibong muli ang pagkakakuha sa kanila ng Cowboy Grill para maging palagiang banda. Ito ang nagsilbing pangalawang tahanan ng JBrothers na bagama’t buo pa rin ang banda ay nawala na ang isa sa brothers, si Joy, na piniling mamalagi na sa bansang Hapon pero aktibo pa rin sa live music scene roon.
Nung 2010, nag-release si Jay ng isang solo album, ang Myuzartae na kung saan galing ang sumikat na duet nina Jay at Mari Nallos, ang Even If I Love You Still na naging theme song ng teleseryeng Midnight Phantom ng ABS-CBN at nagtampok kina Denise Laurel at Rafael Rosell.
May bagong album na ilulunsad ang magkapatid na Jim at Jay sa Marso 8, 10 p.m., dun mismo sa concert na kanilang gagawin sa Cowboy Grill.
Pinamagatang Jamming, pinagsama ng magkapatid ng ilang mga kaibigan sa showbiz na i-record ang ginawa nilang pagsasama-sama nina Renz Verano, Jerome Abalos, DZBB’s Gani Oro, at mga indie young blood na sina Ynbstynk, Reloaded, Louise Tolibas, at Zari Bilon.
Ang king of heartache na si Renz ay inawit ang isang komposisyon ni Jay na Sana ay Ako. Dinala naman ni Jerome ang kanyang killer ballad style sa awiting Aura. Kakaiba ang banat ng rocker ng awiting ito. Ang dalawa ay mga contemporaries ng JBrothers nung late ’90s.
Si Jay ang gumawa ng mga kanta na nakapaloob sa album. Ang Jamming ay ika-6th album ng JBrothers at bawat disc na mabibili, ang 10% nito ay mapupunta sa mga anak ng mga biktima ng nakaraang lindol sa Bisaya at Mindanao.