Maraming pinahanga si Gerald Anderson sa makatotohanang pagganap sa Budoy. Sabi nga ni Tirso Cruz III, na gumaganap na tatay nito sa teleserye, malaki ang ipinagbago ng young actor sa akting.
Talagang pinaghandaan ni Gerald ang karakter ni Budoy dahil noong nag-US tour ay nag-research pa siya tungkol sa special child at nang dumating sa bansa ay nagtungo ito sa tatlong eskuwelahan na may special education at pinag-aralan ang mga kilos at galaw ng isang special child.
Tinanong namin si Gerald kung hindi ba niya nadadala hanggang sa labas ang karakter ni Budoy dahil anim na buwan din niya itong dala-dala sa set.
“Naging epektibo ako sa pag-atake ng role kaya nadadala ko ito minsan, ang mannerism ni Budoy, kapag nagpupunta ako sa mall o kahit nasa loob ng kotse. Sana magkaroon ako ng another project like this someday.’’
MWWF dinalaw si Vice Mayor Joy
Nakausap namin si Vice Mayor Joy Belmonte nang mag-courtesy call ang Movie Writers Welfare Foundation sa kanyang tanggapan. Napag-usapan namin ang mga artistang pumasok sa pulitika na talagang tapat ang paglilingkod.
Isa na rito si Alfred Vargas na puwedeng magsilbing magandang halimbawa sa kasipagan at paglilingkod sa taong bayan.
Hindi kataka-taka kung bakit ginawaran ito ng Most Outstanding City Councilor at napagkalooban ng Bantayog Award mula sa Quezon City Press Club.