MANILA, Philippines - May sarili nang identity ang isa sa hottest female star ngayon sa showbiz na si Lovi Poe. Nalagpasan na niya ang yugtong una siyang nakilala bilang anak ng yumaong Da King, Fernando Poe Jr.. Makikita na siya kahit saan. Lumalabas siya bilang aktres sa ilang kinikilalang pelikula sa mga sinehan at mga nagri-rate na teleserye. Matutunghayan ang kanyang magandang mukha at katawan sa iba’t-ibang TV commercial, magazine covers at print ad. Napapansin siya hindi lang sa buong Pilipinas kundi pati na sa ibang bansa.
Sa isyu nga ng Esquire Magazine Mexico noong Enero 2012 ay lumabas ang isang artikulo tungkol kay Lovi na isinulat ni Esquire Philippine style director at TV host Raymond Gutierrez. Inilaan para sa kanyang artikulo ang centerfold at dalawang pahina.
Pero pampatakam lang naman ang sexy image ni Lovi dahil pangunahin niyang puhunan ang husay niya sa pag-arte sa harap ng camera na napansin ng mga award-giving bodies, movie/TV critics at fans. Nagpatatag sa ganitong pananaw ang pagganap niya sa karakter ni Natasha Alcantara sa GMA 7 hit series na Legacy. Nakatulong ito sa magandang rating ng teleserye.
“Nagpapasalamat po ako sa mga nanood sa Legacy na ginawa pang trend sa Twitter,” sabi ni Lovi sa isang pahayag.
Naging very busy nga sa nagdaang dalawang taon si Lovi na idineklarang New Movie Actress of the Year ng PMPC noong 2008.
May dalawang taon na ang nagdaan din nang lumabas siya sa indie movie na Mayohan na nagbigay sa kanya ng Best Actress Award mula sa Cinemalaya Independent Film Festival at Golden Screen Awards. Noong nakaraang taon, nanalo rin siya ng Famas Best Actress sa drama movie na Sagrada Familia na idinirehe ni Joel Lamangan.