Itinanggi ni Kris Bernal na binasted niya si Jolo Revilla pero sinabihan niya ito na huwag muna siyang ligawan dahil hindi pa siya handa na magmahal.
“Sabi ko sa kanya na kilalanin muna namin ang isa’t isa at iginalang naman niya ang desisyon ko. Hindi na niya ako niligawan muli and I felt na baka nadala nga lang siya sa pang-uudyok ng marami pero I must admit na tinrato niya akong parang prinsesa for two weeks.
“Kahit sandali lamang ang kanyang naging panliligaw, nagustuhan ko siya pero hindi ko siya minahal. Hindi na kami umabot sa puntong ito. What I felt for him ay friendship lamang,” pag-amin ng aktres na dalawang buwan nang boyfriend-less.
“Malungkot nga ako nung Valentine’s Day dahil nag-iisa ako. Kasama ko naman ang family ko pero iba pa rin ’yung may nagtatrato sa ’yung prinsesa, na konting kibot ay nakaalalay at kapakanan mo lamang ang iniisip. Ayaw ko namang gamitin sa ganung paraan si Jolo. I realized kailangan pa namin ng oras para malaman kung magkaibigan lang ba kami o puwede pang lumagpas ang aming relasyon.”
Ang ex niyang si Jay Perillo ay itinuturing na lang niyang isang kaibigan at masaya na sa bagong karelasyon.
Si Aljur Abrenica ang inamin niyang talagang nami-miss niya.
“’Pag nagkikita kami, todo ang kamustahan namin. Masaya ako sa nangyayari sa kanya at sana magkatrabaho kami uli. Komportable na ako sa kanya. Mabilis akong humugot sa kanya ng emosyon,” papuri niya sa dating ka-love team.
Magsisimula na sa Lunes, Marso 5, ang bago niyang teleseryeng Hiram na Puso. Mapapanood ang Hiram na Puso pagkatapos ng Eat Bulaga.
Pagpapa-sexy ni Bela may time frame
May limit pala ang pagpapa-sexy ni Bela Padilla. Hanggang ngayong buwan lamang ito ng Marso, pagdating ng buwan ng Abril ay balik siya sa dating kasimplehan.
Running true to form lamang ang miyembro na ito ng kilalang angkan sa showbiz. Pumayag siyang mag-cover sa isang men’s magazine na dati na siyang kinukuha pero ngayon lamang niya naramdamang handa na siya at naging kontrobersiyal pa dahil pinuna ang mga babaeng black na nasa background kaya umabot sa ibang bansa ang kontrobersiya.
Sinabi ng kontrobersiyal na aktres na single siya at the moment, walang karelasyon. Hinahanap pa niya ang lalaki na kailangang pumasa rin sa standard ng kanyang mga magulang. Siya ang gusto lamang niya ay isang lalaking mas mataas sa kanya.
Ex-GF ni FPJ balik-artista
Napakaganda pa rin ni Ana Marin na talagang bumalik ng bansa para makasama sa cast ng Hiram na Puso. Masaya na itong namumuhay sa Las Vegas, USA kung saan ay may maganda siyang trabaho sa isang resort company. On leave lamang siya sa nasabing kumpanya. Babalikan din niya ang kanyang work pagkatapos ng kanyang trabaho sa serye. Kasama niyang dumating ang kanyang dalawang anak na lalaki na ang panganay ay muntik nang piliin ang trabahong pinagkasikatan ng kanyang amang si Fernando Poe, Jr., ang pag-aartista. Iniwan nilang taong bahay ang anak ni Gina Alajar na si AJ Eigenmann. Limang taon na itong nasa kandili ni Ana kaya parang anak na rin ang turing niya rito. Tapos na ito ng veterinary nursing.
Ina ni Mark Herras ang ginagampanan ni Ana sa serye. Ang role na inuwian niya ay inalok sa kanya ng isa sa mga bossing ng GMA 7.
Christopher at Sandy todo-drama sa MMK
Pambihirang magtambal sa proyekto ang mag-asawang Christopher de Leon at Sandy Andolong pero sa bagong serye ng ABS-CBN na Dahil sa Pag-ibig ay mag-asawa ang role nila. At mukhang na-impress nila ang mga bossing ng network dahil pinagsama silang muli sa Maalaala Mo Kaya ngayong Sabado (Marso 3). Bibigyang buhay nila ang mag-asawang Toto at Josephine na matapos igapang sa hirap ang pamilya ay pawang sama ng loob ang mararamdaman bilang mga magulang nang maligaw sa landas ang kanilang mga anak. Kalaunan ay pipiliin ni Toto na sukuan na ang mga anak, ngunit nanatiling nakakapit sa kanyang mga anak si Josephine.