PIK : Nagkaroon ng turnover ceremony nung isang hapon ng donasyon galing sa kinita ng concert nina Ogie Alcasid at Regine Velasquez na Mr. & Mrs. A. Ilang bahagi nito ay ibinigay sa mga batang cancer patients kaya tuwang-tuwa ang mag-asawa dahil maraming natulungan ang kinita ng concert na ’yun.
Bukod sa ibinigay ng mag-asawa, nagbigay din ang ilang sponsors nito gaya ng McDonald’s, Philippine Charity Sweepstakes Office, Philippine Amusement and Gaming Corporation, pati sina Mayor Herbert Bautista at Sen. Pia Cayetano.
Baka magkaroon uli si Regine ng malaking concert sa October na magsisilbing selebrasyon ng kanyang 25th anniversary sa showbiz.
Hindi kasi nito na-celebrate nang maayos dahil nabuntis siya at nag-focus na sa pagiging mommy ni Baby Nate.
Mapapanood na pala sa Linggo sa SNBO ng GMA 7 ang Mr. and Mrs. A concert ng mag-asawa.
PAK : Nilinaw ni Christian Bautista na okay na ang problema niya sa Immigration sa Indonesia pero meron pa raw aayusin bago siya bumalik doon. Sinabi sa kanya na hindi siya blacklisted sa naturang bansa pero meron lang siyang dapat ayusin para wala nang problema ang pagbalik niya roon.
Hindi lang niya ito naasikaso nang mabuti dahil abala ito sa promo ng bagong album niyang First Class: Outband Expanded edition. Pero baka ngayong buwang ito ay maayos na para makabalik na siya ng Indonesia dahil meron pala siyang commitment doon sa April.
BOOM : Nagsadya ang media at ilang reporters sa Manila Polo Club nung isang gabi dahil meron palang hosting job doon si Nancy Castiglione. Pero nabigo silang lahat dahil tumanggi itong magpa-interview. Ayaw na niyang magsalita tungkol sa pagkakadawit niya sa hiwalayang Dr. Vicki Belo at Hayden Kho, Jr. dahil wala naman daw talaga siyang kinalaman.
Kung magsasalita pa raw siya, lalo pa itong hahaba kaya minabuting manahimik na lang.
Hindi rin sumipot si Nancy sa press launch ng SM Accessories na ginanap sa Dusit Hotel, Makati City nung nakaraang Lunes dahil umiwas na rin itong magpa-interview. Kaya si Grace Lee lang ang dinumog ng mga reporters para interbyuhin.
Tapos na ang event na ’yun, hindi pa rin umalis ang mga reporters dahil umaasa pa rin silang darating si Nancy, pero no show talaga ito.