Imortal Online, Tambayan 101.9, at DZMM TeleRadyo waging-wagi sa 47th Anvil
MANILA, Philippines - Kasabay ng paggawad ng Oscar awards sa pinakamahuhusay sa industiya ng pelikula sa Hollywood ay ginawaran naman ng tinaguriang Oscars ng public relations industry sa bansa na Anvil Awards ang apat sa pinakamahuhusay na PR tools at programs ng ABS-CBN.
Kinilala ang Imortal Online ng ABS-CBN Digital Brand Management sa matagumpay nitong pagbuo ng isang komunidad sa internet para sa mga taga-suporta ng teleseryeng Imortal nina John Lloyd Cruz at Angel Locsin. Bagamat matagal nang tapos ang primetime soap ay tuloy pa rin ang suporta kina Lia at Matteo sa site dahil sa inilunsad nitong orihinal na web serye, artwork contest at paghimok ng user-genated contents
Sa unang tatlong buwan nito, ang Imortal Online ay nakakuha 275,593 registered users at pumalo ng hanggang 15 milyon ang bumisita sa site sa parehong mga buwan.
Isa sa mga dahilan ng kung bakit tinangkilik ang Imortal Online ay dahil sa original na web episodes nitong pinamagatang Anino’t Panaginip na nagpamalas ng mga hindi pa nabubunyag na mga kuwento sa buhay nina Lia at Mateo sa teleseryeng Imortal. Nakagawa ng 24 webisodes ang Imortal Online at nakatakda pa itong maglunsad pa ng mga bagong episode ngayong 2012.
Sa pamamagitan naman ng artwork contest nitong Likhang Imortal, naipamalas ng mga tagasubaybay ang kanilang pagkamalikhain. Nakalikom ang site ng 12,397 artwork entries at isa ang piniling pinakamahusay dito via online voting at ginawaran ng P50,000 cash prize.
Bukod sa artworks, hinimok din ng Imortal online ang mga site users na magpadala ng kanilang orhininal na kuwento sa Kuwentong Imortal kung saan ilan sa mga ito ay napili para gawing animated online manga sa kanilang I-mortal section.
Wagi naman ng dalawang Anvil awards ang AM station ng Dos na DZMM Radyo Patrol 630 at cable TV channel nito na DZMM TeleRadyo para sa pagpapalaganap nito ng edukasyon at kalusugan gamit ang mobile trucks ng kanilang Teaching, Learning, Caring (TLC) project at matagumpay na istratehiyang ipinatupad para mas lalong umunlad ang ngayo’y nangungunang cable news channel na DZMM TeleRadyo.
Nanalo ang public service on wheels project na TLC ng DZMM para sa kanilang mobile classroom at clinic na nakatulong na sa 30,000 na katao mula nang ito ay inilunsad noong November 2010 habang kinilala naman ang husay ng DZMM TeleRadyo sa pagtamo nito ng mas maraming manonood, pagtaas ng kinita sa mga patalastas, at sa mas maraming cable operators na nagdadala ng kanilang cable TV channel sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Hindi rin nagpahuli ang FM radio station ng ABS-CBN na Tambayan 101.9 nang mag-uwi rin ito ng Anvil para sa taunan nitong Tambayan 101.9 OPM Awards.
ABS-CBN ang pinakapinarangalang sa Anvil Awards sa lahat ng TV network dahil sa naiuwi nitong apat na awards kumpara sa tatlo ng GMA at isa ng TV5.
Ang Anvil Awards ay taunang iginagawad ng Public Relations Society of the Philippines (PRSP) sa mga natatanging programa na nagpamalas ng husay sa larangan ng public relations.
- Latest