MANILA, Philippines - Nag-umpisa si Marvin Agustin bilang isang batang matinee idol hanggang sa makuha niya ang paghanga at maging isa sa pinaka-tampok na artista sa Pilipinas. Ngunit, lahat ng ito’y hindi naging madali para sa kanya.
Si Marvin ay lumaki sa hirap. Ang nanay niya ay nagbebenta lamang habang siya, at ang kanyang dalawang kapatid ay naging service crew sa mga fastfood chains at minsa’y naging mascot pa.
Sa hirap ng trabaho at kapirangot na kita, siya ay lumipat sa Tia Maria’s kung saan doon niya nalaman ang kanyang totoong gustong gawin – maging isang magaling na restaurateur.
Natural na mahilig magluto si Marvin pati na rin ang kanyang pamilya kaya naman, kasabay ng pagiging artista ay kumuha rin siya ng kurso sa pagluluto sa International School for Culinary Arts and Hotel Management o ISCAHM. Mula noon, nagtuluy-tuloy na ang kanyang tagumpay sa kanyang pagbubukas ng isang donut brand na kanyang ineendorso hanggang sa pagtaguyod ng sariling mga brands – ang Ricecapades, Rice in a Box, Oyster Boy, Sumo Sam at marami pang iba.
Ang tiyaga na ipinamalas ni Marvin Agustin ang siyang nagtulak sa Knorr Cubes upang kunin siya para magluto ng masasarap na sabaw at para na rin magbigay inspirasyon sa mga kabataan ngayon.