Natakasan ang bumabakod na reporters, Maricel ayaw talagang mag-comment sa kaso ng mga dating katulong

PIK: Dumating na si Nora Aunor galing Amerika, pero hindi naman pala natuloy ang pagpapa-opera niya dahil hindi pa puwede ang doktor nito. Ayon kay Nora, natingnan naman ng doktor ang kanyang lalamunan at puwede pa nga itong maayos.

Pero ayon sa mga reporter na nag-cover sa kanyang pagdating sa airport kahapon, maayos na ang boses ni Nora at hindi na ito gaanong malat. Pero kailangan pa niyang operahan para puwede na raw itong kumanta.

PAK: Kahit matindi ang pambabakod ng mga reporters kay Maricel Soriano nang dumalo ito sa appreciation dinner ng Metro Manila Film Festival (MMFF) kamakalawa ng gabi, nakatakas pa rin ito.

Tinanggap ni Maricel ang kanyang award bilang best actress sa nakaraang MMFF. Pagkatapos niyang tanggapin ang trophy at cash prize, tumalilis na ito at kahit sinundan ito ng mga TV crew at reporter para interbyuhin, kumaway lang ito at umiling-iling na wala munang interview.  

Iniiwasan pa rin ng Diamond Star na pag-usapan ang tungkol sa ongoing case nito sa dati niyang kasambahay.

BOOM: Inaamin ng Survivor castaway na si Angelicopter na masama pa rin ang loob nito sa dati niyang kasamahan sa radio na si Grace Lee, kahit ipinagtanggol na ng manager ng Magic 89.9 si Grace na wala itong kinalaman sa pagkakatanggal sa kanya sa kanilang radio program. 

Ilang beses naman siyang gumawa ng paraan para magkaayos sila pero tila isinara na ni Grace ang pintuan kay Angelicopter kaya wala nang magagawa ang huli kung ’yun na nga ang napagdesisyunan ng management.

Naghihimutok lang si Angelicopter dahil alam naman ni Grace na single pa­rent siya at may binubuhay itong anak. Mensahe na lang ni Angelicopter kay Grace: “Sana hindi mangyari sa ’yo ang nangyari sa akin.”

Show comments