Huling halakhak na sinabi ni Grace Ibuna, nagkatotoo!

Waiting din ako sa pagbabalik ni Grace Ibuna sa Pilipinas dahil ilang linggo na rin ang nakalilipas mula nang magkausap kami sa telepono.

All over the papers ang balita na si Grace ang pinaboran ng korte sa United Kingdom kaya siya ang may karapatan sa bangkay ni Congressman Iggy Arroyo.

Napanood ko sa isang news program ang interview kay Aleli Arroyo na nagpasalamat dahil pumayag si Grace na ipahiram sa kanya ng dalawang araw ang mga labi ni Congressman Arroyo kapag naibalik na ito sa Pilipinas.

Parang kailan lang nang mabasa ko sa isang diyaryo ang pahayag ni Atty. Lorna Kapunan na banned si Grace sa burol ni Congressman Arroyo. Mahirap dedmahin ang statement ni Atty. Kapunan na legal counsel ni Aleli dahil headline at front page news ’yon.

Napaaga ang pagsasalita ni Atty. Kapunan dahil iba ang nangyari. Ipinagkaloob kay Grace ang custody ng bangkay ng namatay na kongresista at ang pangalan niya ang nakalagay sa last will ni Congressman Arroyo.

Malinaw na sa akin ngayon ang sinabi ni Grace sa aming huling pag-uusap sa telepono na nasa kanya ang huling halakhak.

Matapos magsabing ibinubugaw ang anak ni Nadia, Annabelle Rama P20M ang hinihingi kay Ynna Asistio

May mga nagtatanong dahil nagdemanda si Annabelle Rama ng libel kay Ynna Asistio sa Makati City. Bakit daw sa Makati, hindi sa Quezon City?

May paliwanag si Bisaya sa kanyang pasya na isampa sa Makati City. Nakatira pa sila ni Eddie Gutierrez sa bahay nila sa Dasmariñas Village, Makati City nang mabasa ni Bisaya ang article na may malisyosong pahiwatig na ibinubugaw niya si Ynna.

At dahil residente si Annabelle ng village na sakop ng Makati City, dito siya nagsampa ng libel case laban kay Ynna. Hindi ko pa nababasa ang buong detalye ng reklamo ni Annabelle pero mabilis na nakarating sa akin ang balita na P20 million ang hinihingi niya mula kay Ynna bilang moral at exemplary damages. May mga naloka sa halaga na hinihingi ni Annabelle lalo pa’t nag-ugat lang ang ayaw nila ni Nadia Montenegro sa isang milyong piso na cash advance payment na ni-request ni Ynna at kukunin mula sa guaranteed contract niya sa GMA 7.

Si Annabelle ang manager ni Ynna kaya it’s a must na sabihin sa kanya ang cash advance ng alaga dahil siya ang nakipag-negotiate sa GMA 7.

Patung-patong na ang demandahan nina Annabelle at Nadia laban sa isa’t isa. Nadamay si Ynna sa kanilang away pero kahit may mga kaso sila sa korte, si Bisaya pa rin ang manager, hanggang ngayon, ng anak ni Nadia.

Barong at cargo pants ni Jeremy Renner nag-set ng trend

Nag-set ng trend ang aktor na si Jeremy Renner sa courtesy call niya kay P-Noy sa Malacañang Palace noong Miyerkules.

Fatigue cargo pants na tinernuhan ng Barong Tagalog ang damit na suot ni Jeremy nang makipagkita siya sa pangulo ng Pilipinas.

Gaya-gaya puto maya ang ibang mga Pinoy kaya asahan natin na may gagaya sa fashion statement ng star ng The Bourne Legacy dahil nakita nila na cool pala na ipares ang Philippine national costume for men sa fatigue cargo pants.

Cinematography ng hitman pinuri

Pinupuri ang cinematography ng Hitman ni Cesar Montano. Maikukumpara raw sa cinematography ng Hong Kong action movies ang pelikula ni Cesar na showing na sa mga sinehan.

Mabilis ang pacing ng Hitman at malulutong ang mga linya ng mga artista kaya nag-enjoy ang mga nanood.

May plano si Cesar na gumawa ng sequel ng Hitman pero uunahin muna niya ang ibang mga pelikula na magkatulong na ipo-produce nila ng Viva Films.

Show comments