Marvin ready nang maging international actor
MANILA, Philippines - Hindi lang pala sa 30th Brussels International Fantastic Film Festival kasali ang pelikulang The Road na gaganapin sa April 5-17.
Bukod dito, in competition din ang pelikula sa 8th Fantaspoa International Fantastic Film Festival of Porto, Alegre, Brazil. Balita namang ito ang biggest genre festival sa Latin America.
So mukhang bobongga ang The Road sa international market.
Nauna nang nagkaroon ng announcement na ipalalabas sa buong America at Canada ang pelikula na pinagbibidahan nina TJ Trininidad, Rhian Ramos, at marami pang ibang artista ng GMA 7. Kasama rin sina Marvin Agustin at Carmina Villaroel na kapwa wala na sa bakuran ng GMA 7.
Pero sure na ang pag-join ni Marvin sa premiere night ng pelikula sa America dahil nagkataong nasa Chicago na siya noon. Gaganapin ang premiere nila sa LA Live na pinagdarausan ng Grammy at Emmy Awards. Ready na ba si Marvin na maging international actor? “Hahaha. Dati pa naman akong ready, sila lang ang hindi,” birong sagot ng aktor.
Anyway, sa pamamagitan ng isang distribution deal sa pagitan ng GMA Films at ng international film distribution outfit na Freestyle Releasing, mapapanood na commercially sa 50 sinehan sa buong America at Canada ang idinerek ni Direk Yam Laranas.
“I think this is the first time that a locally-produced Filipino film will be distributed commercially by an international releasing outfit in the U.S. and Canada, and treated like a Hollywood-produced movie. This is not simply a special off-shore screening of a locally-produced film; this is in fact a full-pledged commercial distribution deal, and there’s a big difference between the two,” sabi ni GMA Films President Atty. Annette Gozon-Abrogar.
Ang The Road ay tungkol sa isang 12-year-old cold case na muling mauungkat matapos maglaho ang tatlong teenagers habang tinatahak ang isang abandonadong daan. Sa pag-iimbestiga ng mga pulis, tumambad sa kanila ang madilim na kasaysayan ng nasabing daan – dalawang dekada ng krimen, pangingidnap, at pagpatay. Kaya naman walang nakakatakas sa sumpa ng nasabing daan; ang sinumang magtatangkang pumasok dito ay hindi na muling makakalabas pa nang buhay.
Ire-release rin ang pelikula sa DVD, Video-on-Demand (VoD), Amazon Prime, Netflix, at i-Tunes.
Tomasians walang sawa nang katitili kay Coco, Angel, at Julia, pinataob ni Xyriel
Humakot ng 19 parangal ang ABS-CBN sa ginanap na 8th USTv Students’ Choice Awards kamakailan sa University of Santo Tomas (UST) Medicine Auditorium.
Hindi na naman magkamayaw sa kakatili ang mga Tomasino ng pinarangalan si Coco Martin ng ikalawa niyang Students’ Choice of Actor in a Local Soap Opera award para sa kanyang husay sa pagganap bilang kambal na sina Alexander at Javier sa teleseryeng Minsan Lang Kita Iibigin.
Laking gulat din ng lahat nang manalo ang child wonder na si Xyriel Manabat laban kina Angel Locsin at Julia Montes sa Students’ Choice of Actress in a Local Soap Opera category para sa pagganap niya bilang batang matanda na si Ana Manalastas sa primetime series na 100 Days to Heaven. Ang naturang show ay kinilala rin bilang Students’ Choice of Local Soap Opera at ginawaran pa ng special citation ng USTv.
Pinakaunang pinarangalan naman ng Students’ Choice of Supporting Actor and Actress in a Soap Opera sina Jhong Hilario, para sa papel niya bilang Gary sa Mara Clara; at Jodi Sta. Maria para sa papel niya bilang Sophia sa 100 Days to Heaven.
Sa ika-walong pagkakataon, kinilala ang drama anthology na MMK na pinangungunahan ni ABS-CBN President Charo Santos-Concio sa Drama Program category habang wagi rin muli sa Entertainment News Show category ang The Buzz.
Samantala, nauwi naman ng Showtime at Gandang Gabi Vice ang pinakauna nitong parangal mula USTv para sa Students’ Choice of Reality Show at Students’ Choice of Talk Variety Program.
Maging ang mga acquired program ng ABS-CBN ay panalo rin.
Kinilala para sa Students’ Choice of Sports Program ang Sports Unlimited, Students’ Choice of Public Affairs-Talk Show Program ang The Bottomline at Students’ Choice of Educational Program ang Matanglawin.
Maging sa musika ay Kapamilya pa rin ang namamayagpag ng magwagi si Sarah Geronimo para sa Students’ Choice for Local Music Video Artist award. Laking tuwa nga ng mga Tomasino na personal na makita si Sarah na minsan ding nag-aral sa UST. Naghandog pa ang pop star ng dalawang song number para sa kanila.
Nakaambag din sa naging tagumpay ng ABS-CBN ang Studio 23 at MYX matapos manalo si Anthony Taberna para sa Students’ Choice of Male News and Current Affairs Program Host sa kanyang programang Iba-Balita ni Anthony Taberna sa Studio 23 habang wagi naman bilang Students’ Choice of MTV Channel ang MYX.
- Latest