MANILA, Philippines - Mayaman man o mahirap ay nahuhumaling sa pagsasabong dahil bukod sa isa ito ay nakakaaliw na libangan, alternatibong paraan din ito ng mga nagigipit para kumita ng pera.
Ngayong Feb. 21 sa Patrol ng Pilipino, tutuklasin ni Chiara Zambrano ang madugong labanang ito, mula sa pag-aalaga ng sinasabing winning breeds, sa mga pustahan sa malalaking arena at mumunting tupada, at sa pananaw ng mga grupong nag-aadhika sa karapatan ng mga hayop.
Kilalanin ang mga karakter sa labanang ito tulad ng kristo, sintensyador, at sultador at tuklasin kung ano ang nangyayari bago ang isang laban mula kay Juancho Aguirre, ang sinasabing pioneer sa sabong sa bansa.
Bukod pa riyan, ilalahad din ni Jing Castañeda ang mga pinakasariwang pangyayari sa nagaganap na sabong sa Senado sa pagitan ng prosekusyon, depensa, at ng mga senator-judges sa pag-usad ng impeachment trial ni Chief Justice Renato Corona.
Samantala, inilunsad na ang Patrol ng Pilipino DOCUniversity Tour sa unang bulusok nito sa La Consolacion College-Manila (LCCM) noong Sabado (Feb. 18) kung saan nagbahagi sina Chiara at Ryan Chua ng kanilang karanasan sa pagbabalita at paggawa ng dokumentaryo.
Namangha ang higit sa 100 mass communication students ng LCCM sa ulat ni Ryan na ipinakita kung paano naghahanda ang mga kasama niyang mamamahayag sa pagbabalita ng paglilitis kay Corona.
Ibinahagi naman ni Chiara na natupad sa Patrol ng Pilipino ang matagal na niyang pangarap na makatungtong sa kontrobersiyal na Spratly Islands at gumawa ng ulat patungkol dito. Sa dokumentaryong ito na nanalo ng best documentary program sa kakatapos lamang na UPLB Gandingan Awards, idinetalye ni Chiara ang hidwaan sa pagitan ng mga bansang inaangkin ang mga isla.
Silipin ang mga kuwento sa likod ng mga balita sa Patrol ng Pilipino pagkatapos ng Bandila sa ABS-CBN o sa mas maagang pag-ere nito sa DZMM TeleRadyo (SkyCable Channel 26), 9:15 p.m.