MANILA, Philippines - Upang mas lalo pang paigtingin ang pagsuporta sa proyekto ng Department of Tourism (DoT) na Its More Fun in the Philippines, ilulunsad ng Choose Philippines, na kauna-unahang social at travel networking site sa bansa, ang kampanyang iChoose, kung saan isang microsite ang nilikha upang anyayahan ang mga Pilipino na makiisa sa paglalahad ng 7,107 na dahilan kung bakit karapa’t dapat piliin ang Pilipinas.
Sa isang grand launch sa ASAP 2012 ngayong Linggo (Peb. 19), ang Choose Philippines ay nakipag-tulungan sa PGT Finalist at web sensation El Gamma Penumbra para bigyan tayo ng bagong bersiyon ng Piliin mo Ang Pilipinas, na kung saan makikita ang El Gamma Penumbra na pinapakita ang mga popular na destinasyon ng bansa sa pamamagitan ng “shadow play”. Ang lyrics ng kanta ay isinulat ni Robert Labayen, sa komposisyon ni Allan Dannug, at in-arrange ni Marvin Querido. Kinanta ito ni Angeline Quinto at Vincent Bueno. Ang Music Video ay produksiyon ng ABS-CBN CCM Division at ng Regional Network Group.
Meron ding isang online video ng kampanya ang ipapalabas sa kauna-unahang pagkakataon. Laman ng video ang mga testimonya ng mga tao mula sa iba’t ibang panig ng mundo kung bakit nila pinili ang Pilipinas kaysa sa iba pang mga bansa.
Hindi lamang sila nabighani sa magagandang pook at tanawin sa bansa, marami ring pagkaka-abalahan na sa tingin nila ay mas masayang gawin sa Pilipinas.
Sa pagla-log in at pagpapatala sa www.choosephils.com, lahat ay makaka-access na sa microsite ng social travelnet na http://choosephils.com/ichoose/, kung saan maaring makiisa sa kampanya sa pamamagitan ng pagpapaskil ng dahilan kung bakit nila pinili ang Pilipinas. Ito ay maaring isang maikling pangungusap lamang na may kalakip na litrato nang nais ipagmalaki sa bansa—maaring pook, pagkain, serbisyo, pagdiriwang o maging ang mga kahanga-hangang katangian ng mga Pilipino.
Ideya ng ABS-CBN Regional Network Group ang Choose Philippines. Nagsimula bilang Pili-Pilipinas, na isang web portal kung saan isa lang ang staff noon. Makalipas ang dalawang taon, pinamahalaan na ito ni Charie Villa sa kagustuhan na rin ng ABS-CBN RNG Head Jerry Bennett.
Ang iba’t ibang mga tampok sa Choose Philippines ay nasa ilalim ng kategoryang travel o pagbiyahe, mga pagkain, mga kapistahan, mga tao at maging mga produkto ng bansa.
Noong 2011, pumalo sa higit 250,000 likes sa Facebook ang tinamo ng paglulunsad ng Choose Philippines music video sa ASAP na Piliin Mo ang Pilipinas, na isinulat ni Robert Labayen.
Ang mga paskil naman sa Facebook page ng kilusan ay umabot sa 151 million noong Nobyembre 2011, habang mayroon na ring 1 million views ang www.choosephils.com.