MANILA, Philippines - Bagaman nagsimula si Cesar Montano sa showbiz bilang action star, matagal siyang nahinto sa paggawa ng pelikulang aksiyon dahil wala nang gaanong nanonood nito. Limang taon ang nagdaan nang maudyukan siya sa Hitman na muling gumawa ng action movie.
Si Cesar ang sumulat, nagprodyus at nagdirihe ng Hitman na merong mga sangkap na matatagpuan sa mga Hollywood blockbuster action films.
Naging makabago ang style na katulad ng sa Collateral at Unknown ang Hitman dahil sa laki ng gastos dito, mahigpit na editing, sari-saring karakter na may sariling kuwento, at mga maaksiyong eksenang sinasabayan ng mga matutunog na dialogue na hindi malilimutan.
“Sa ngayon, ikinukumpara ng mga Filipino moviegoers ang lokal na pelikula sa mga pelikulang gawa sa ibang bansa. Nakikita ko ang punto nila: Bakit nga naman ako magbabayad sa isang pelikula kung mas maganda ang sa Hollywood at magkapareho lang ang halaga? Kaya dapat pag-isipan ng mga Filipino filmmaker ang mga linyang ito para maging mabenta at ito ang sinikap kong gawin sa Hitman,” paliwanag ni Cesar.
Inaamin ni Cesar na hindi makakakumpetensiya ang mga pelikulang Pilipino sa production value ng maraming Hollywood films. “Di hamak na mas malaki ang budget nila kesa sa atin,” sabi pa niya pero idiniin niya na merong iba pang mga elementong maaaring maging mas epektibo at nakakaaliw ang lokal na pelikula.
“Bigyan mo ng puso at bagong twist ang istorya, hanapin mo ang tamang combination pagdating sa cast, alagaan mo ang bawat eksena, experiment with the shots,” dagdag ng premyadong aktor.
Sinasabi ng mga nakapanod sa trailer ng Hitman na maaaring malikha ni Cesar ang bagong trend sa mga lokal na pelikulang aksiyon.
“Handa na ang publiko ulit for action films. Meron nang pananabik ulit,” dagdag ng aktor.
Kasama rin ni Cesar sa Hitman sina Phillip Salvador, Ricky Davao, Mark Herras, Joko Diaz, Diego Montano, Rommel Montano, Jeffrey Tam, Sunshine Garcia, Onchie dela Cruz, Alexis Navarro, at Sam Pinto.
Ang Hitman ay produced ng CM Production at ipapamahagi ng Viva Films.
Magsisimula itong mapanood sa mga sinehan sa Pebrero 22.
Ricky Reyes bagong bihis
Merong bagong niluluto ang TV show na Life and Style with Ricky Reyes na inieere tuwing Sabado, 10-11 am sa GMA News Channel.
Mapapanood ang bagong show ni Ricky Reyes sa muling paglulunsad nito sa Pebrero 25 na magbibigay sa mga viewer ng mas malaki at mas kapana-panabik na magazine show.
Ang queen of all make-over ay gumawa na rin ng make-over sa sarili niyang show. Napapanahon ang pagbabagong ito dahil ipagdiriwang ni Mother Ricky Reyes ngayong taong ito ang ika-18 anibersaryo niya sa telebisyon.
Kabilang sa mga pagbabago sa show ni Mother Ricky ang bagong time slot, exciting features sa koleksyon ni Mother Ricky ng chicken pets at mga brand new segment na nagtitiyak na kagigiliwan ng audience at tumutugon sa nais nilang makita sa isang magazine show.
Whitney Houston, gugunitain sa MYX memorial special
Ang biglaang pagpanaw ng tinaguriang pinaka-pinangaralang mang-aawit sa buong mundo na si Whiney Houston ay nagdulot ng panghihinayang at lungkot hindi lamang sa international music scene, kung hindi maging sa mga Pinoy na mang-aawit, lalo na ‘yung mga inumpisahan ang karera ng pagkanta ng mga awitin ng legendary diva.
Upang magbigay-pugay sa kontribusyon ni Whitney sa pagpapaunlad ng popular na musika, i-e-ere ng MYX ang isang special tribute na pinamagatang Remembering Whitney: The MYX Music Memorial ngayong Miyerkules (Pebrero 15), 7:00 a.m., 1:00 p.m., 5:00 p.m. at 10:00 p.m., at sa Linggo (Pebrero 19), 10:00 a.m.
Gugunitain ng mga MYX VJ na sina Nikki, Bianca, Joyce, at Mike ang ilan sa mga kapana-panabik na tagpo sa karera ni Whitney, pati na rin ang kanyang greatest hits tulad ng I Will Always Love You, I Have Nothing, Greatest Love of All, Saving All My Love For You at marami pang iba.
Tampok rin sa pagbibigay-pugay ang mga pinagdaanan at discography ni Whitney bago siya naging icon sa industriya.