Nagpatawag ng isang presscon si Gng. Grace Poe Llamanzares, pinuno ng Movie and Television Review and Classification Board o MTRCB para ipahayag ang kampanya nila sa bago nilang klasipikasyon, ang SPG o Strict Parental Guidance, sa pinalalaganap na self regulation, isang pagbabantay ng mga magulang o nakakatandang miyembro ng kabahayan sa panonood ng mga palabas sa telebisyon ng mga bata at kabataan.
Para mas mapabilis at maging epektibo ang kampanya na bahagi ng PG (Parental Guidance o Patnubay at Gabay) isa sa mga ibinibigay na klasipikasyon ng MTRCB sa mga palabas sa TV na libreng napapanood ng lahat, isang infomercial ang ginawa na nagtatampok sa pamilya ng mga Legazpi na binubuo nina Zoren Legazpi, Carmina Villaroel at ang dalawa nilang mga anak na sina Maverick at Cassie. Ipinapakita sa nasabing palabas na tumatagal lamang ng ilang segundo sa telebisyon ang kahalagahan ng pagbabantay ng mga magulang sa panonood ng telebisyon ng mga batang miyembro ng pamilya. Dinirek ito ni Veronica Velasco at ang serbisyo ng lahat ng nasa produksiyon, mula sa mga artista hanggang sa technical people ay halos ibinigay na ng libre.
Pagpaparetoke idinenay ni Louise
Panay naman ang deny ni Louise delos Reyes na ipinaretoke niya ang kanyang mukha. Marami ang nakakapansin na nagbago ang kanyang mukha pero dahil maganda na siya ay hindi nila ma-pinpoint kung ano ang mga pagbabago rito na mas nagpatingkad pa ng kanyang ganda. Paliwanag nito ay pumayat lamang daw siya kaya mas lalong na-define ang mga facial features niya. Pero hindi raw siya sumailalim sa isang beauty makeover or enhancement.
Katrina bina-blind item ang aktres na maamo ang mukha pero masama raw ang ugali
Bagaman at wala namang away sina Marian Rivera at Katrina Halili, inamin ng huli na hindi sila nag-usap sa unang teleserye nilang pinagsamahan, ang Marimar. Pero sa bagong teleserye kung saan ay magkasama sila, sinabi ng sexy actress na na-break na nila ang mala-yelo nilang pakikitungo sa isa’t isa.
Nakasama ng maraming taga-media si Katrina sa 70th birthday celebration ng entertainment writer na si Nene Riego na ginanap sa marangyang galerya ng mga painting ng entertainment writer/TV host na si Cristy Fermin.
Isa ‘yung napaka-pribadong affair na binuo ng mga malalapit na kaibigan sa showbiz ng may birthday tulad nina Ricky Reyes, Katrina, Malou Choa Fagar, Joko Diaz, (maaga kaming umalis kaya hindi ko na nakita ‘yung marami pang dumating), miyembro ng pamilya niya kasama na ang nag-aartistang anak na si Chinggay Riego at mga kasamahan niya sa panulat at maging sa GMA.
Game na nakipagkuwentuhan si Katrina at bagaman at nagugulat sa mga off the record na naririnig niya, tahimik lamang ito sa kanyang pakikinig. Naging tampulan ng tawanan ang kuwento tungkol sa isa niyang kasamahan sa GMA na ganung nagtataglay ng isang napakaganda at napakaamong mukha ay nuknukan pala ng sama ng ugali. Ayaw na ni Katrina na mapag-usapan pa ang isang lalaki na nagbigay sa kanya ng pinaka-malungkot na bahagi ng kanyang buhay. Nagulat pa siya nang malamang mag-aaktibo ito sa showbiz. Pero, hanggang dun lang ang reaksiyon niya tungkol dito.
Fans ni David darating ng bansa
Masuwerte ang mga kasama ni David Archuleta sa teleserye niyang ginawa para sa TV5, ang Nandito Ako dahil may posibilidad na mapanood ito sa abroad.
Maraming fans ni Archuleta ang pupunta rito para lamang mapanood ang mga unang araw ng pagpapalabas ng serye na magsisimula sa Peb. 20. Mami-miss nila ito dahil dalawang taon itong mawawala para sa isang misyon para sa kinabibilangan niyang relihiyon.