Umpisa pa lang Nora gumanda na uli ang boses kahit 'di naoperahan!

Hindi naoperahan si Nora Aunor sa Boston, USA tulad ng naunang plano. Matatandaan na ini­wan pansamantala ng Superstar ang kanyang trabaho rito para magpagamot ng kanyang boses na paos na paos at halos hindi marinig kapag siya ay nagsasalita. Mabuti na lamang at maaari siyang gumamit ng microphone kapag umaarte, kaya nakapagtatrabaho pa rin siya.

Pero gusto ni Nora na kumanta. Ito ang hindi niya nagagawa makatapos siyang sumailalim sa isang makeover procedure sa Japan nung 2010. Namamaos siya at hindi maabot kahit na ’yung mga simpleng nota ng mga awitin na dati ay walang problema niyang kinakanta. Dahil dito, malaki ang naging kabawasan ng kanyang kita bilang isang singer na siyang pangunahing pinagkukunan niya ng ikinabubuhay sa Amerika nitong mga nakaraang taon na doon siya namalagi.

Ayon sa kanyang anak na si Matet de Leon, hindi na kinailangang maoperahan ng kanyang mommy. Sabi ng yaya na kasama nito at siyang nagsu-supply sa kanila ng impormasyon ay isang oral procedure lamang ang ginawa ng Superstar at gumanda na ang boses nito, lumitaw pati pagsasalita.

Inaasahan ng lahat, lalo na ng TV5, ang pagbabalik sa bansa ni Nora sa buwang ito. May mga naghihintay na sa kanyang mga proyekto, tulad ng isa pang teleserye kasunod ang matagumpay na Sa Ngalan ng Ina. Nakatakda rin itong gumawa ng isang pelikula sa mga award-winning directors na sina Brillante Mendoza at Tikoy Aguiluz. At si­yempre, papayag ba ang film arm ng TV5 na hindi ito gumawa ng pelikula sa kanila? Pero ang pinakamalaking patunay na bumalik na nga ang singing voice niya ay ang inihahandang concert niya sa kanyang nalalapit na birthday sa buwan ng Mayo.

Sen. Lito mauunahan si sen. Bong kay Jolo

Ang inaasahang pagsasama ng mag-amang Sen. Bong Revilla, Jr. at Jolo Revilla para tuluyang itulak paitaas ang career ng huli ay mas mauunahan pa ng pakikitambal ng batang Revilla sa isa pa ring senador na katulad ng kanyang ng ama ay mas naunang kinilala bilang isang action hero, si Sen. Lito Lapid.

Pagbalik ni Jolo galing Amerika na kung saan ay ipinagamot niya ang kanyang migraine sasabak agad ito sa kanyang bagong assignment kasama ang aktor na nagpasikat ng katauhan ni Leon Guerrero, isang fiction hero na katulad ng Panday na si Flavio ay nakagawa rin ng dalawang kasunod na matatagumpay na pelikula.

Lea, Liza, at Cecile magsasanib-puwersa sa concert

Maituturing na Concert of the Decade ang pagsasama sa iisang stage ng kinikilalang pianista sa mundo na si Cecile Licad, Broadway star Lea Salonga at prima ballerina Liza Macuja-Elizalde sa CCP Main Theater sa March 17, 8 p.m. Susuportahan naman sila ng FilharmoniKa Orchestra.

Tutugtugin ni Cecile ang Choplin’s Andante Spianato at Grand Polonaise kasama ang FilharmoniKa orchestra na may solo pieces ng Gottschalk’s Pasquinade, Bananier, at Souvenire the Andalouise. Sasayawin naman ni Lisa ang Minkus’s Paquita at excerpts mula sa Romeo and Juliet. At si Lea Salonga, mga paboritong Broadway songs naman ang babanatan. Bukod dito magkakaroon ng collaborative numbers ang tatlo.

Maaari pang makabili ng tiket na mabilis ang pagkaubos sa CCP box office. Tumawag sa 891-9999 para sa nalalabing 200 tickets.

Pagkatapos nito, magkakaroon ng solo recital si Cecile sa Holy Angel University, Angeles city, Pampanga sa Marso 22 at sa Cebu sa Marso 27.

Mamimili ng mga pirated films dumami uli

Dadami na naman ang susuporta sa pagbili ng mga pirated CDs and DVDs ngayong nakita na wala naman palang parusa ang maipapataw sa mga bumibili nito.

Marami kasi ang umiwas sa pagbili ng pirated tape sa takot na kung hindi sila makulong ay baka mamultahan pa sila. Eh kaya lang sila bumibili ng pirated copies ay dahil mas mura ito kesa sa panonood ng sine. Wala pang P50 ay maaari nang makapanood ang pamilya ng isang sine. Kung masuwerte-suwerte ka pa ay makakabili ka ng tatlong pelikula sa halagang P100 lamang.

Pero sa dahilang sermon lamang ang tinanggap na kaparusahan ng isang mataas na opisyal sa Malacañang sa ginawa niyang pamamakyaw ng mga pirated films kung kaya bigla na namang lumobo ang bilang ng mga bumibili nito sa mga tagong tindahan. Muli, pinahirap na naman ang trabaho ng mga taga-Optical Media Board na pinamumunuan ni Ronnie Ricketts.

Show comments