Sarah magpapamangha sa SOS, KC at Cloie tuloy na ang paghataw sa sayawan

MANILA, Philippines - Love is in the air na sa ASAP 2012 dahil sa unang Linggo pa lamang ng Pebrero ay aapaw na ng pag-ibig at sasabog ang kilig sa tatlong oras nang sunod-sunod na world-class production numbers hatid ng buong ASAP Kapamilya.

Isang advance Valentine's gift ang handog ni Mr. Pure Energy Gary Valenciano sa pagsisimula ng kanyang pinakabagong segment sa ASAP 2012 na may titulong With Love, kung saan itatampok niya ang ilan sa mga awiting pinakamalapit sa puso ng mga manonood.   

Tiyak na mamamangha naman ang lahat sa inihandang SOS performance ni Popstar Sarah Geronimo na ipakikita ang husay niya sa entablado at pagiging ganap na Diva ng industriya. Kaabang-abang naman ang launch ng Angeline on Q segment ni ASAP Pinoy Champ Angeline Quinto. Makabagbag damda­ming harana naman ang handog sa mga manonood nina ZsaZsa Padilla, Piolo Pascual, Arnel Pineda, Erik Santos, Christian Bautista, Juris, Richard Poon, Nikki Gil, Karylle, Jovit Baldivino, Zia Quizon, Robin Nievera, Yeng Constantino, Sitti, Vincent Bueno, at Aiza Seguerra sa "It’s Music and Love Overload." Pakikiligin naman ni JM De Guzman ang mga kababaihan sa launch ng kanyang pinakabagong single. Hindi rin magpapahuli ang mga tinitilian at kinakikiligang Kapamilya love team nina Kim Chiu at Xian Lim, Jake Cuenca at Shaina Magdayao, Julia Montes at Enrique Gil, Enchong Dee at Erich Gonzales, at sina Gerald Anderson at Sarah.

Tutukan rin ngayong Linggo sa ASAP 2012 ang kauna-unahang production number ng magkapatid na KC Concepcion at Cloie Syquia Concepcion. Isang engrandeng golden birthday celebration naman ang ihahandog ng ASAP family para kay Concert King Martin Nievera.

Hindi rin dapat palampasin ang pagbisita nina John Lloyd Cruz at Angel Locsin na mga bida sa pinakamalaking Valentine movie ng Star Cinema na Unofficially Yours.

Samantala, makiindak sa bawat sayaw at galaw nina Rayver Cruz, Empress, Sam Concepcion at Gab Valenciano sa Supahdance Exclusives.

Show comments