Mga bida sa MH, malungkot na masaya, Daldalita magpapaalam na rin!
MANILA, Philippines - Magkahalong lungkot at saya ang nadarama ng mga bumubuo sa programang Munting Heredera (MH) ng GMA 7.
Masaya ang cast dahil hanggang sa mga huling linggo nito ay patuloy pa rin sa pagsubaybay ang mga manonood, subalit malungkot dahil mamimiss nila ang samahan na nabuo nila sa set.
Nag-promise naman daw ang mga miyembro ng cast na patuloy pa rin silang makikipag-communicate sa isa’t isa at susuportahan ang mga bagong show ng kanilang mga kasama.
Bida sa Broken Vow si Gabby Eigenmann na nanalong Best Supporting Actor para sa kaniyang pagganap bilang Desmond sa MH habang nasa Biritera naman sina Barbara Miguel (Calilla) at Neil Sese sa ilalim muli ng direksiyon ni Direk Maryo J. delos Reyes.
Tiyak ay may naka-line up na ring mga bagong programa sa ibang artista sa MH na kapwa nagpakita ng husay nila sa pag-arte.
Sa pagtatapos ng Munting Heredera, pormal nang iaanunsiyo ni Lola Ana (Gloria Romero) na si Jennifer (Mona Louise Rey) ang kaniyang magiging tagapagmana pagdating ng takdang panahon. Masaya man sa balita, hiling ni Jennifer na gumaling na ang kaniyang Tatay Manny (Roderick Paulate) para kompleto na ang kaniyang pamilya kasama sina Sandra (Camille Prats) at Jacob (Mark Anthony Fernandez). May kasalan din na magaganap na pagtatangkang guluhin ng kontrabidang si Desmond (Gabby Eigenmann).
Pakatutukan din ang isang madamdaming eksena kung saan ipinapakita si Jennifer na may kasamang dalawang bata na kasalukuyang sumasailalim sa cancer treatment sa tulong ng Kapuso Foundation. Abangan ang espesyal na highlight na ito sa pagtatapos ng programa ngayong gabi sa GMA 7.
Samantala ang pinaka-aabangang pagwawakas ng kinagigiliwang adventures ng child wonder na si Jillian Ward sa GMA Afternoon Prime ay matutunghayan din sa huling Biyernes ng family-oriented drama series na Daldalita.
Saksihan kung magkakaroon ng masayang reunion ang nagkawalay na mag-amang sina Mateo (Ogie Alcasid) at Daldalita sa pinakaaabangnang finale ng programa. Magtatagumpay kaya si Cherry (Rufa Mae Quinto) sa kanyang plano na paghiwalayin ang mag-ama hanggang sa huli?
Sa tulong nila Daisy, Bobby at Kirat, makakatakas sina Katrina (Manilyn Reynes) at Daldalita sa pagkakabihag nito. Pupunta agad sila sa simbahan upang pigilan ang kasal nila Cherry at Mateo. Matutuloy pa kaya ang kasal ni Cherry kay Mateo? Magkikita na kaya sa wakas sina Daldalita at Mateo? Mabubuko na rin kaya ang mga kasamaan ni Cherry?
Tampok din sa Daldalita sina Isabel Oli, Marc Abaya, Julie Ann San Jose, Elmo Magalona, at Joey Paras, sa ilalim ng direksiyon ni Don Michael Perez.
- Latest