Hollywood stars nagpakalat-kalat sa Edsa

Mama Salve, over acting ang traffic situation sa south bound ng Edsa at sa paligid ng Greenhills at Quezon City.

I should know dahil natrapik ako nang husto sa Greenhills nang samahan ko si Bibsy Carballo para sa exclusive interview niya kay Camille Villar sa isang restaurant sa Promenade.

Na-late si Camille sa aming appointment dahil naipit din siya sa trapik sa Edsa. From Greenhills, nagpunta ako sa GMA 7 at naranasan ko rin ang trapik mula sa N. Domingo, St., Cubao, patawid sa Aurora Boulevard.

Ang sey ng mga motorista, epekto raw ng shooting ng The Bourne Legacy sa Tramo, Pasay City ang matinding traffic situation kahapon sa Metro Manila. Parang nagkaroon daw ng domino effect ang traffic dahil nataon sa araw ng Biyernes ang shooting ng Hollywood movie.

Dinalaw ni MMDA Chair Francis Tolentino ang shooting sa Edsa Pasay ng The Bourne Legacy dahil tumulong siya para maayos ang trapik.

Siyempre, nakadagdag sikip sa kalsada ang mga sasakyan ng production crew ng The Bourne Legacy na basta na lamang ipinarada sa busy highway ng Edsa. Nakaapekto rin ang mga usiserong Pinoy na nagtiyaga sa panonood ng shooting dahil sa kagustuhan nila na ma-sight nang personal sina Jeremy Renner at Rachel Weisz.

Hindi naman nabigo ang fans dahil pakalat-kalat lang sa Edsa ang dalawang sikat na artista ng The Bourne Legacy. Ang chase scene nina Jeremy at Rachel ang kinunan kahapon, ayon sa mga tao na nakatsikahan ko.

Camille nakukulangan pa sa kanyang pagho-host

Nagpapasalamat si Camille sa mga positive feedback sa hosting job niya sa Wil Time Bigtime.

May mga nagsasabi kay Camille na komportable na ito sa harap ng mga TV camera kesa noong unang araw niya sa game show ni Willie Revillame. Ang feeling naman ni Camille, kulang na kulang pa ang kanyang knowledge.

Darating ang araw na masasanay rin si Camille, gaya ni Shalani Soledad na malaki ang improvement bilang TV host dahil sa araw-araw na exposure sa Wil Time Bigtime.

Grace Ibuna hindi mahagilAp!

Sinusubukan ng Startalk staff na mainterbyu si Grace Ibuna, kahit via phonepatch from London, tungkol sa pagkamatay ni Congressman Iggy Arroyo.

Bigo ang staff ng aming show dahil hindi sinasagot ni Grace ang kanilang mga tawag dahil shocked pa rin siya sa sudden death ni Papa Iggy.

Hoping ang Startalk staff na makukuha nila ang panig ng madir ni Garie Concepcion na in the news dahil siya nga ang kasama ni Papa Iggy nang mamatay ito sa London noong Huwebes pero nagkaroon ng conflict ang kuwento sa paglitaw ng legal wife ng namayapang kongresista.

Hindi pa annulled ang kasal nina Alice Arroyo at Papa Iggy kaya sa batas, siya pa rin ang may karapatan sa labi ng namatay na asawa, kesehodang matagal nang nagsasama sina Papa Iggy at Grace.

Masyadong juicy ang kuwento ng love triangle nina Grace, Papa Iggy, at ng legal wife nito kaya para silang mga twitter account na pina-follow ng mga mahihilig sa intriga at kontrobersiya.

Hindi natin masisisi ang mga tao dahil katulad ko rin sila na inte­resado na malaman ang mangyayari, lalupa’t personal kong kakilala si Grace at ang kanyang anak na si Garie na kagagaling lamang sa London dahil binisita ang ina at ang stepfather niya.

Jenny hindi binabawalang makipagkita ang anak kay Gabby

Babalik sa Sweden sa last week ng February ang mag-inang Jenny at Cloie Syquia-Skarne.

Matagal-tagal pa ang ipamamalagi ng dalawa sa Pilipinas kaya may sapat na panahon si Gabby Concepcion para makilala nang personal ang kanyang estranged daughter.

Sa apat na anak na babae ni Gabby, si Cloie na lang ang hindi pa niya nakikita mula nang maging dalagita ang bagets.

Hindi puwedeng i-deny na anak ni Gabby si Cloie dahil namana nito ang kanyang mga mata. Malaki rin ang pagkakahawig ni Cloie kay KC Concepcion kaya twinzy o kakambal ang tawag ni KC sa kanyang younger sister.

Hindi pinagbabawalan ni Jenny si Cloie na makita ang ama nito. Ang sey ni Jenny, matagal na siyang nakapag-move on kaya ito ang cue ni Gabby para siya ang gumawa ng paraan na ma-meet nang personal si Cloie.

Show comments