MANILA, Philippines - Nakaranas ng Hollywood feel ang Navotas kamakailan nang bisitahin ang opisina ni Mayor John Rey Tiangco ng coordinator na si Nikko Juban sa pelikulang The Bourne Legacy para pag-usapan ang seguridad sa lugar. Nag-shooting kahapon sa Navotas Fish Port ang ilang lead stars ng sikat na action film series.
Sa mga hindi pa nakakaalam, ang Navotas Fish Port ang ikatlong pinakamalaking fishport sa Asia at pinakamalaki sa buong South East Asia. Napili itong isa sa mga lugar kung saan may magaganap na umaatikabong bakbakan.
Ayon kay Mayor Tiangco, makakasiguro naman sa peace and order habang naka-schedule ang production sa kanilang lugar. Nakatoka na ang mga pulis at ang ilang task force sa traffic.
“Masaya kami at may halong pagmamalaki siyempre na one of our city’s main center of business will be part of an international movie. Kahit na-feature na ang Navotas Fishport sa maraming local movies and documentaries, ang Bourne film ay malaking tulong para magkaroon ang syudad ng tourism spot at maipakita ang fishing industry namin dito sa mas malawak na international movie-going public,” dagdag pa niya.
Excited din ang lokalidad na maging bahagi ng shooting kahit extra lang. Wala ring dapat ipag-alala ang mga stall owners sa fish port na mawawalan ng kita dahil sinigurado nang bayad ang bawat araw sa paggamit ng kanilang tindahan o puwesto.
“The shoot will not impede on the regular business dealings at the fish port which starts at 8:00 p.m. until 4:00 a.m. kasi ang schedule ng shooting ay magsisimula ng 7:00 a.m. at magtatapos ng 5:00 p.m.,” sabi ni Mayor Tiangco.
Pelikulang Bola parang maraming makaka-relate!
Isang kakaibang pagtingin ang Bola sa isyung gamitan sa larong basketball. Sa antas ng barangay lilitisin ang usaping puwedeng i-angat sa pambansang kamalayan.
Napalitan na ba ng basketball ang sipa bilang pambansang laro ng Pilipinas, tulad nang itinuturo sa paaralan?
Dati, ipinepedestal ang magagaling na basketbolista. Pero bakit sa basketball o anumang larangan, hindi na husay sa laro ang pinahahalagahan kundi ang itsura ng manlalaro na wala naman direktang kinalaman sa laro?
Kung marami mang batang kalalakihang nahihilig sa basketball, marami ring nahuhumaling sa mga guwapong nagba-basketball.
May mga tagahanga silang kababaihan. Mayroon din may kayang kabadingan, na pera’t kapangyarihan ang gamit para silawin ang mga mapangaraping kabataan.
Pinakikilala sa pelikulang Bola ang baguhang modelo at toast ng male beauty pageant na si Kenneth Salva (Lester), star player ng barangay basketball team; Arnel Ignacio (Pandy). Ang local couturier/team manager na mahuhulog ang kalooban sa star player; Sofia Valdez (Angel), ang kababatang nobya ni Lester; Jacob Miller (Brat), Simon Ibarra, Suzette Raniilo at Geeca Topacio.
First timer ang director ng Bola, ang Mowelfund film graduate at dating Mel & Joey segment producer/director, si Lem Lorca. Sinulat ito ng multi-awarded writer na si Jerry B. Gracio. Producer nito ang R and B Entertainment at Amazing Production. (GR)