Talagang wala munang love life para kay Ruffa Gutierrez, at least para sa taong ito. Kapag naririnig niya ’yung mga hindi magagandang kuwento ng kanyang mga BFF tungkol sa mga dyowa nila, mas gusto niyang pangatawanan ang pagiging single niya.
Wala na sila ng suitor niyang foreigner. Aalis na kasi ito at ayaw naman niya sumama. Marami siyang work dito at kung magsi-settle man siya sa abroad, gusto niya sa Amerika. Isa pang dahilan kung bakit ayaw niyang umalis ay hindi pa sila annulled ni Yilmaz Bektas.
Hindi naman nawawalan ng pag-asa si Ruffa na makita ang lalaking para sa kanya. Nagbago na nga ang tipo ng lalaking hinahanap niya. Pinaka-pangunahing hanap niya ’yung may takot sa Diyos. ’Yung may kapareho niya ng values at makakasabay niyang magdasal. ’Yun na!
Walong French iikot sa Luzon para sa foreign reality show
Ilang grupo na naman ng mga filmmakers ang nasa bansa ngayon para gumawa ng pelikula at palabas sa TV.
Una na ang mga Belgians na magsyu-shooting sa bansa ng Peking Express, ang bersiyon nila ng malaganap na reality show sa Amerika na Amazing Race.
Walong French couple ang maglalakbay sa Luzon, mula Maynila hanggang Talisay at pabalik muli ng Maynila. Naglalayon ang programa na subukin ang skills ng labing-anim na participants at ang kanilang pagiging magkaka-tandem habang pinag-aaralan ang kultura ng bawat lugar na pinanggalingan nila. Galing na ang mga kalahok sa Seoul, Korea bago pumunta ng Sydney, Australia para sa pagtatapos ng palabas.
Bawat kalahok ay bibigyan ng isang euro o katumbas ng P36 sa pera natin. Ito ang gastos nila bawat araw. Isang pareha ang mababawas araw-araw hanggang sa dalawang parehas na lamang ang matira na maglalaban sa finals.
Pinoy filmmaker gagawa ng pelikula sa Boracay na Hollywood actors ang bida
Samantala, nagsimula na ang paghahanda sa Boracay ng Pinoy (pero US-based) na si Ace Cruz para sa shooting ng kanyang pelikulang Boracay, Life is Good. Layunin ng filmmaker, actor, and director na lumaki sa Amerika na i-promote ang Pilipinas at ang mga lugar nito tulad ng Boracay sa buong mundo. Ika-pitong pelikula na niya ito na magtatampok sa mga kilalang Hollywood actors maging ng mga artistang Pilipino.
Magsisilbing producer ng kanyang pelikula si Ariel Abriam, may-ari ng BBC Beach Resort, Ariel’s Bar/Restaurant, Ariel’s Point Cliff Diving Resort, at kasalukuyang pangulo ng Boracay Chamber of Commerce.
Kuwento ang Boracay, Life is Good ng dalawang turistang ’Kano na nagbabakasyon sa Boracay pero nakakita’t nakatagpo ng mga armed amazon women.
Anim na indie films na ang nagagawa ng graduate ng fine arts major in drama sa University of Southern California Theater School. Isa rito, ang Outrage, ay nanalong best picture sa Action International Film Festival sa Hollywood nung 2009. Tampok dito si Michael Madsen. Nakatrabaho na rin niya sina Lee Majors (6-Million Dollar Man), Michael Pares (Streets of Life), Natasha Lyonne (American Pie), at Michael Berryman (Hills Have Eyes).