Sa pagbibida ni Bugoy Cariño sa E-Boy, isang bagong serye ng ABS-CBN na sa Primetime Bida pa nakalagay, kaliga na siya nina Zaijian Jaranilla at Xyriel Manabat.
Pinangunahan niya ang maraming artista na kabilang sa cast ng serye na binigyan ng presscon nung Huwebes ng gabi. Sa gitna ng stage siya pinaupo, sa gitna ng dalawang malalaking artista na gumaganap ng kanyang magulang sa kuwento, sina Ariel Rivera at Agot Isidro.
Kahit bata pa ang napiling best child performer sa nakaraang Metro Manila Film Festival Awards Night, naramdaman nito ang ibinigay na papuri sa kanya ng lahat ng kasama sa serye, kabilang na ang dalawang direktor ng serye na sina FM Reyes at Nick Olanka, ang sumulat ng kuwento at ang mga co-stars niya na sina Jomari Yllana, Valerie Concepcion, Jaime Fabregas, Chinggoy Alonzo, Pen Medina, Carmen Sanchez, Blythe Gorostiza, Arjo Atayde, Akiko Solon, Bryan Santos, at ang mga kapwa niya bata na sina Maliksi Morales at Deydey Amansec.
Mabuti na lamang at dahilan sa kanyang kabataan ay hindi pa lubusang pumapasok sa isip ni Bugoy ang mga papuring naririnig niya, tulad ng “bata pa ay marami ng alam,” “witty,” “multi-talented kasi magaling umarte, sumayaw, at kumanta,” “charismatic,” “smart and sharp,” “born entertainer,” “maraming paiiyakin in the future,” at marami pang iba na hindi niya itinatanggi at sa halip ay sinabing pawang mga totoo.
Kahit may halong yabang na ang mga pagsasalita niya, hindi siya kinondena ng media dahil nga bata pa siya at sa halip ay tinanggap ng buo ang pagiging truthful niya.
Direk FM iniiyakan pa rin ang namatay nilang anak ni Rita Avila
Maraming sumabay sa pag-iyak ni Direk FM Reyes nang may magpaalala sa kanya ng naging kamatayan ng kanilang anak ni Rita Avila. Naungkat ito dahil bahagi ng istorya ng E-Boy ang pagkamatay ng isang bata na siyang dahilan para siya ay malikha.
Obviously, sa kabila ng maraming taon, hindi pa tuluyang nakaka-move on ang direktor sa hindi pagkakatuloy nang pagbubuntis ng kanyang maybahay. Hanggang ngayon ay nagbibigay sa kanila ni Rita ng ibayong kalungkutan.
“Hindi pa ako handa na sumagot sa ganung katanungan. Nagulat nga ako nang may magtanong,” paliwanag ng direktor na nagkaroon pala ng agam-agam kung makakaya niyang magdirek ng isang kuwento na malapit sa kanyang buhay.
Sa susunod baka mas handa na siya.
Love triangle...
Sexy pala ang produkto ng singing contest na si Sharon Cuneta ang host nung nasa ABS-CBN pa siya. Kasama sa cast ng E-Boy si Akiko Solon bilang bahagi ng pinaka-bagong love triangle na nilikha ng Kapamilya Network at inaasahang sisikat in the near future.
Ang dalawa pa ay sina Bryan Santos at Arjo Atayde. Ang huli ay anak ni Sylvia Sanchez na nagpasyang sundan ang yapak ng kanyang ina kahit malaki ang pressure na nararamdaman niya dahil magaling na artista ang kanyang ina at nanalo na ng award.
Malakas ang bulungan na umaabot na sa likod ng kamera ang love triangle nila kahit pa itinanggi ng dalawang binata na nililigawan nila si Akiko at sinabing magkakaibigan lang silang tatlo.