'Bola' ipalalabas sa U.P.

MANILA, Philippines - Magkakaroon na ng premiere night ang Bola, isang bagong indie movie na walang takot na magpapakita ng kakaibang relasyon sa pagitan ng mga basketball player at kanilang manager at ng tunggalian ng iba’t ibang kasarian sa loob at labas ng basketball court, sa isang bansang sobrang haling na ha­ling sa hindi-naman-Pambansang Laro nito (Sipa, di ba?) sa University of the Philippines Film Institute (UPFI) Adarna Theater, bukas, Sabado, 7:00 ng gabi.     

Pinakikilala sa Bola ang baguhang modelo at toast ng male beauty pa­geants na si Kenneth Salva bilang Lester, star player ng barangay basketball team, na nangangarap makapaglaro sa premier league ng bansa, pero ma­mumroblema sa kanyang ambisyon patungong PBA.

Makikilala niya si Pandy (Arnel Ignacio), isang local couturier na agad mahuhulog ang kalooban kay Lester, papayag maging team manager at tutulong kay Lester na makapasok sa college varsity team.

Pero straight si Lester at tapat sa kanyang kababatang nobya, si Angel (Sofia Valdez). Malilito si Lester nang ma-obsess sa kanya ang bading na manager.   

Tampok din sa Bola sina Jacob Miller, Simon Ibarra, Suzette Ranillo, at Geeca Topacio.

First time director ng Bola ang Mowelfund film graduate at dating Mel & Joey segment producer/director, si Lem Lorca. Sinulat ito ng multi-awarded writer na si Jerry B. Gracio. Producers nito ang R and B Entertainment at Amazing Production.

Mabibili ang premiere ticket (tig-P200) sa UPFI box-office bago mag-screening. Puwede ring magpa-reserve kay Jette Madrigal (0916-4876793).

Show comments