MANILA, Philippines - Sisimulan na ni KC Concepcion ang tungkulin bilang host ng pinakamalaking reality singing competition na The X Factor Philippines ngayong Sabado (Jan 21) sa kanyang pagtungo sa University of Pangasinan-Phinma sa Dagupan City para sa pinakahihintay na auditions ng nasabing show.
Pagkatapos sa Pangasinan ay pupunta naman si KC at ang buong team ng The X Factor Philippines sa susunod na Sabado (Jan 28) sa First Asia Institute of Technology and Humanities para naman sa audition sa Batangas.
Talaga namang excited na ang host-actress na personal na makita ang husay ng mga Pinoy sa pag-awit at mahanap ang susunod na singing superstar.
Ang kumpetisyon ay bukas sa lahat ng Pilipino na may angking talento sa pagkanta, edad 13 taong gulang pataas. Maaring mag-audition ng mag-isa, may ka-duet, o maaring ding bumuo ng trio o kaya naman isang grupo. Magdala lamang ng minus one ng inyong kakantahin sa audition.
Nagsimula sa UK ang The X Factor kung saan tinagurian itong pinakamalaking talent search. Napapanood na rin ito sa higit na 30 bansa at may higit sa 50 na ang napili sa buong mundo kasama na rito si Melanie Amaro, ang unang nanalo sa The X Factor USA noong nakaraang buwan. Sino kaya ang pinakaunang Pinoy na tatanghaling ‘The X Factor’ winner?