MANILA, Philippines - Nanguna sa Golden Globe Awards kahapon sa nakuha nitong tatlong award ang black-and-white silent film na The Artist.
Nakuha ng The Artist ang award sa best musical o comedy at best actor in a musical comedy para kay Jean Dujardin. Kasama ng best drama award, nakuha ng The Descendants ang dramatic actor Globe para kay George Clooney.
Kabilang pa sa acting winners sina Meryl Streep, Michelle Williams, Christopher Plummer, at Octavia Spencer habang ang directing honor ay nakamit ni Martin Scorsese.
Nakuha ni Streep ang dramatic actress award dahil sa pagganap niya sa karakter ni dating British Prime Minister Margaret Thatcher.
Nakuha naman ni Williams ang best actress award sa musical or comedy para sa pagganap niya bilang Marilyn Monroe sa My Week With Marilyn.
Napunta ang supporting-acting Globes kina Plummer bilang matandang biyudo na lumalabas na bakla pala sa father-son drama na Beginners at Spencer na gumanap na isang housekeeper kasama ng ibang black maid na nagtatrabaho sa kanilang white employer sa The Help.
Nanalo si Scorsese para sa Paris adventure na Hugo. Ito ang kanyang pangatlong award sa nagdaang 10 taon.
Si Dujardin ang unang artista sa isang silent film na nakakuha ng major Hollywood prize mula sa naunang panahon ng pelikula. Nanalo siya sa pagganap sa karakter ng isang silent-era star na pumaimbulog ang career sa gitna ng dumaraming mga talking picture noong mga taong 1920.