Nasorpresa ako kahapon sa studio ng Startalk dahil sa pagdalaw ni Dindi Gallardo. Hindi ko kasi alam na natuloy pala ang honeymoon sa Pilipinas ni Dindi at ng kanyang American husband na si Eric Mills.
Sinadya ni Dindi na gulatin ako at nagtagumpay siya dahil na-surprise ako sa kanyang paglitaw.
Beauty queen na beauty queen pa rin ang dating ni Dindi at sa totoo lang, mas maganda siya ngayon kesa noong nag-aartista pa siya. Feel na feel ko ang happiness na nararamdaman ni Dindi dahil very positive ang kanyang aura.
Hindi mahilig maglagay ng make up si Dindi at siguro, isa ito sa mga reason kaya ang kinis-kinis ng kanyang mukha.
Kasama dapat ni Dindi sa surprise visit niya sa akin ang mister niya ang kaso, nagkasakit si Eric noong Biyernes at na-confine siya sa hospital.
Pananakit ng tiyan at pagsusuka ang sakit ni Eric. Usung-uso ang intestinal flu sa Pilipinas kaya may duda ako na ‘yun din ang karamdaman ng asawa ni Dindi.
Magagaling ang doktor sa ospital na pinagdalhan kay Eric. Tiyak na mapapadali ang kanyang paggaling.
Hindi bale, may chance pa rin na ma-meet ko siya nang personal pagkatapos ng Bangkok trip nila ni Dindi dahil babalik uli sila sa Maynila.
Sobrang na-miss ni Dindi ang Pilipinas. Nakapagbakasyon na sila ni Eric sa Palawan at kapag na-discharge ngayon ang kanyang asawa sa ospital, pupunta sila sa Boracay dahil matagal nang naka-book ang kanilang Boracay vacation.
Ang sabi sa akin ni Dindi, ibang-iba pa rin ang Pilipinas kumpara sa current residence niya sa New York.
May magandang trabaho si Dindi sa New York kaya gustuhin man niya na magbalik-bayan sa Pilipinas, hanggang short vacation lang ang puwede.
First time sa Pilipinas ni Eric at gustung-gusto nito ang ating bansa. Sanay umikot sa Asia ang mister ni Dindi dahil nadestino siya noon sa Hong Kong at Bangkok. Ang Bangkok ang itinuturing ni Eric bilang second home.
Nakakabilib ang American husband ni Dindi dahil fluent siya sa pagsasalita ng Thai, ayon na rin sa kuwento ni Dindi.
Sa mga artista na naging kaibigan niya noong active pa siya sa showbiz, si Amy Austria ang unang hinanap ni Dindi.
Kahit nasa ibang bansa siya, hindi nawalan ng communication sina Dindi at Amy. Mahal na mahal ni Dindi si Amy kaya talagang gumawa siya ng paraan na magkita sila.
Nagkasama noon sa mga pelikula ng Viva Films sina Dindi at Dale Villar na matagal nang bumalik sa US.
Inggit na inggit si Dale nang malaman nito na nagbabakasyon si Dindi sa Pilipinas. Miss na miss na rin pala ni Dale ang ating bansa at ang showbiz. Ang sey ni Dale, there’s no place like home na totoong-totoo lalo na sa mga tulad ni Dindi na Pinoy na Pinoy sa puso, isip, salita at gawa.