Nang una kong makausap si Vina Morales, matapos kong mapanood ang ilang episodes ng Nasaan Ka Elisa, tinanong ko siya kung bakit kinakailangan pa niyang tumanggap ng isang kontrabida role at gumawa ng mga maiinit na eksena na katulad ng ginawa niya sa serye. Sinabi niya na she found the role challenging at gusto lang niyang makita kung hanggang saan ang maari niyang gawin bilang isang artista. Ang resulta ay kagulat-gulat. Hindi lamang niya pinatunayan na she’s one of the top concert performers ng bansa, isa rin pala siyang tunay at magaling na aktres na tunay na kahulugan ng salitang ito.
Bukod sa hindi makakalimutang performance na ipinamalas niya sa nasabing serye na nagtapos kagabi, nakita rin ang isang napakagandang babae na puwede palang maging salbahe at maganda at the same time. Isang magandang kumbinasyon ito na sana ay hindi nakaligtas sa mapanuring mga mata ng mga bossing ng ABS-CBN. Magkaroon pa sana ng mga follow ups ang role ni Vina after Elisa…
Muli pinahaba niya ang listahan ng mga maasahang kontrabida ng network tulad nina Agot Isidro at Angel Aquino.
Ending ng MBG isasabay sa Chinese New Year
Marami ang nalulungkot sa nalalapit na pagtatapos ng My Binondo Girl, ang serye ng nagsimula ng matagumpay na tandem nina AiAi delas Alas at Richard Yap at ng bagong loveteam nina Kim Chiu at Xian Lim. Sa serye ring ito nakilala si Richard Yap nga na mas kilala na ngayon sa taguring Papa Chen.
Kasabay ng pagkalungkot ng maraming manonood ang pangyayaring puwede namang pahabain pa o e-extend ang serye pero mas pinili ng mga nasa likod ng produksiyon na tapusin na ito na katulad ng hinihingi ng script. Sa ganitong paraan nga naman, magtatapos ito na mataas ang rating. Kapag pinahaba ito ay baka pagsawaan pa ng manonoood. Ang kaabang-abang ay ang pagpasok ng isang bagong character sa huling linggo ng MBG. Mawawala rin ang isang dating character at kung sino siya, ay malalaman next week.
Nakatutuwang masasabay ang pagtatapos ng serye sa Chinese New Year. Kaya naman tinawag ang huling linggo nitong The Dragon Finale.
Ang My Binondo Girl ay nasa ilalim ng direksiyon nina Malu Sevilla at Francis Xavier Pasion.
Jillian naka-vibes ang buwaya
Nalalapit na rin ang pagtatapos ng Daldalita sa kabilang istasyon ng GMA 7. Tampok dito ang batang artistang si Jillian Ward. At kung sa MBG ay nakabuo ng dalawang matagumpay na pareha, ibinabalik naman ng Daldalita ang pareha nina Ogie Alcasid at Manilyn Reynes na nagsimula ang tandem nung kabataan nila.
May isang bagong hayop na nadagdag sa mga kinagigiliwan ng daga, bibi, at baboy na binigyang boses nina Candy Pangilinan, Pekto, at Wally Bayola. Ito ay isang buwaya na sa halip na katakutan ni Jillian ay mas kinalugdan niyang makasama sa eksena. Puwede nang i-computer generate ang buwaya pero totoo at buhay na buhay ang kinuha ng produksiyon para makasama ni Jillian.
Matapos ang Daldalita ay babalikan ni Jillian ang Disneyland bilang pahinga bago siya sumabak sa susunod niyang serye.