Sasabak na naman pala sa isang serye si Kris Aquino. Hindi kaya ito makaapekto sa magandang pagtanggap ng mga manonood sa kanyang Kris TV? Maganda kasi ang pagtanggap dito ng mga manonood, marahil dahil hindi siya overexposed at sawa na siguro ang manonood na makita siya sa isang game show. At saka pagdating sa mga talk and interview shows, champion talaga si Kris.
Sure rin ako na tatanggapin siya sa bago niyang serye dahil madalang naman siyang gumawa ng serye.
’Yun ang maganda kay Kris, magaling siyang magpatlang-patlang ng kanyang programa. At anuman ang pasukin niya, ke pagiging host ng game show, talk show, o pagiging artista, nag-i-excel naman siya.
Vice Ganda enjoy na makipag-away
Parang epektibo ’yung ginagawang pangdededma ni AiAi delas Alas sa pagsasalitang ginagawa ni Vice Ganda tungkol sa sinasabing away nila.
Matatandaang itinanggi ng Comedy Concert Queen at Box Office Queen ang kaalaman tungkol dito na siyang marahil ikinaiirita ng TV host kaya mas lalo itong nagpupuyos sa galit.
Sa halip na magsasalita si Vice Ganda at magpatuloy sa kanyang galit, mas pinuri pa siguro siya kung agad ay kinompronta niya ang kapwa niya komedyante at baka nagkabati pa siguro sila.
Hindi naman siguro siya hihiyain ni AiAi kapag nalaman nito ang sama niya ng loob. Ito naman ay kung gusto niyang magkabati na sila. Pero sa mga ginagawa niya, obvious na mas ini-enjoy niya ang pagkakagalit nila.
Wedding entourage ni Shalani nakaka-excite
Parang inuuso ng mga malalaking artista ang pagdaraos ng kasing laki nilang okasyon. Matapos ang napakalaking kumpilan na naganap sa bunso nina Daisy Romualdez at Manny Paner na si Karl na kung saan ay tumayo rin akong ninong sa mahigit 50 sponsors na pawang kaibigan ng kanyang mga magulang, sina Rep. Roman Romulo naman at Councilor Shalani Soledad ang dadagsain ng napakaraming bisita sa araw ng kanilang kasal sa Enero 22.
Hindi naman nakapagtataka kung marami ang gustong makasaksi sa tinatayang magiging wedding of the year. Parehong sikat na personalidad ang dalawa.
Exciting din ang magiging wedding entourage dahil siguradong bubuuin ito ng mga kilalang personalidad sa pulitika at showbusiness. Kaya bakit hindi ito hihintayin ng lahat?
Attitude ni Claudine babaguhin
Dahil dala-dalawa na ang humahawak sa kanyang karera, inaasahan ng marami na magkakaroon na ng mga projects ang magaling na si Claudine Barretto. Sa pagsasanib-pwersa nina Vic del Rosario at Shirley Kuan, major roles na siguro ang magiging assignment ni Claudine sa halip na guesting-guesting lamang.
Kung ililipat nila ito ng istasyon, dahil tapos na ang kontrata nito sa Kapuso Network, ang siyang nagsisilbing palaisipan sa marami na naniniwalang hindi talent ang problema ni Claudine, kundi ang attitude nito sa kanyang trabaho na dapat ay mabago na kung gusto niyang ipagpatuloy ang kanyang pag-aartista.