MANILA, Philippines - Hindi na problema pa para kay Jomari Fernando, 12, ang pagpapatuloy sa pag-aaral lalo’t siya ang hinirang na Batang Genius sa Happy Yipee Yehey kamakailan. Napanalunan ng Super Intelligent Kuya ng Nueva Ecija ang high school at college scholarships, at ang tumataginting na P1 milyon cash prize mula sa programa. May mga damit at gadgets din na kanyang naiuwi tulad ng tablet computer, LED TV, digital camera at appliances. Pinabilib ni Jomari ang lahat nang sagutin niya ng tama ang karamihan sa mga tanong sa TV quiz bee, kung saan si Toni Gonzaga ang host. Kalaban ni Jomari ang Sporty Speech Master na si Chester, na hindi naman umuwi ng luhaan dahil mayroon siyang P100,000 at iba pang papremyo. Sa pagkapanalo ni Chester, hangad niyang magkaroon ng magandang kinabukasan ang kanyang pamilya at suportahan ang pagpapagamot ng kapatid.