Nakipag-meeting lang ako kahapon kay Mama Rubby Coyiuto ng Flawless, nakatisod agad ako ng showbiz news.
Nag-meeting kami ni Mama Rubby sa Florabel sa Podium at dito kami nagkita ni Pilar Pilapil. Ang ganda-ganda pa rin ni Mama Pilar. Hangang-hanga sa kanya ang mga kasama ko dahil sa kanyang kagandahan at sa tapang na ipinakita niya sa pagsubok na pinagdaanan noong 2011.
Katulad ng kanyang madalas sabihin, napatawad na ni Mama Pilar ang mga tao na nagtangka sa buhay niya na hinahanap pa rin ng mga pulis.
Halatang-halata sa mukha ni Mama Pilar ang inner peace na nararamdaman niya.
Pati nga si Mama Rubby, bilib na bilib kay Mama Pilar. Fan pala siya ni Mama Pilar kaya pinanood niya noon ang mga pelikula na pinagtambalan ng dating beauty queen at ni Mang Dolphy.
Nag-meet din kami ni Florabel Co sa restaurant niya sa Podium. Hinintay ng TV5 crew ang pagdating ni Florabel para sa kanilang interview dahil siya ang caterer sa wedding reception nina Shalani Soledad at Congressman Roman Romulo.
Si Florabel at si Papa Roman ang magkausap tungkol sa mga pagkain na ihahanda sa Jan. 22 wedding. Ang say ni Florabel, 900 ang bilang ng mga bisita na imbitado sa Romulo-Soledad nuptials.
Reklamo, highlights ng Panday 2 hindi naibenta sa trailer
Ipinadala sa akin ng reader na si Kirt Suazon ang opinyon niya tungkol sa Panday 2, ang blockbuster movie ni Senator Bong Revilla, Jr. Puring-puri ni Kirt ang pelikula kaya hindi niya napigilan ang sarili na i-share ang kanyang mga observation:
“Ma’am Lolit,
“Avid moviegoer ako na nagtiyagang pumila para sa Ang Panday 2. At masasabi ko lang dapat saluduhan si Sen. Bong sa pagbibigay niya ng mala-Hollywood movie na ganito.
“I’m very upset lang bakit hindi ito naging number 1 because Panday deserves more. Bilang moviegoer, I tried to analyze what went wrong, sana po ay maiparating ninyo ito kay Sen. Bong, point of view ng isang avid moviegoer, baka sakaling makatulong ang puna ko sa kanilang mga susunod na project.
“Kaya po hit na hit ang Star Cinema movies, nakuha nila ang tamang formula sa paggawa ng trailer. Lahat na ng nakakatawang eksena kung comedy film ito, nakakatakot na eksena kung horror ito like Sukob, Feng Shui, at Segunda Mano, at lahat ng drama at matitinding dialogue sa drama film tulad ng No Other Woman ay ipinapakita o inihahain na nila sa trailer pa lamang.
“Nangyari ito sa recent movies nila na kapag napanood ng tao ang trailer, ang reaksiyon namin, WOW ang ganda! Kaya papanoorin talaga pero kapag andun na kami sa sinehan parang naisahan kami ng Star Cinema kasi kung ano ang ipinakita nila sa trailer na magagandang eksena, ‘yon na lahat sa pelikula pero hindi na magrereklamo ang moviegoers kasi nag-enjoy naman sila.
“Speaking of Panday 2, ang daming magagandang eksena na bentahe ng pelikula pero ’di natutukan sa trailer like ’yung nagseselos ang dragon habang kausap si Sen. Bong, dapat ipinakita ito pati ang pagpulupot ng buntot niya sa puno, ang pag-ahon ng dragon sa dagat at biglang nasa mundo na ng mga Ragona.
“Also the scene kung saan sakmal ng alakdan si Sen. Bong, napakaganda ng execution, perfect talaga. Dapat ay ini-explore sa trailer ang comic scene ni Benjie Paras at Pekto dahil nakakatawa sila.
“Sagana sa ‘mangha factor’ ang Panday. No doubt, mapapabilib ka pero sana po ay dinagdagan ang ‘takot factor’ na mapapasigaw ang audience sa upuan tulad ng ilang eksena sa Segunda Mano.
“In-explore sana ang eksena na hinahabol ng mga taong paniki si Iza Calzado at itinulad ito sa style ng director ng Aswang episode ni Manilyn Reynes sa Shake Rattle and Roll 2, way back 1990 na talagang tinilian ng audience.
Hinabaan pa sana ang exposure ni Marian Rivera dahil napuna namin na 45 minutes na ang movie bago nagtuluy-tuloy ang kanyang mga eksena.
“Anyway po, Ma’m Lolit, ang Panday 2 ay isa sa mga pelikula na magpapatunay na artistic ang mga Pinoy. I hope umabot sa P120 million ang box office gross ng Panday 2 para bawing- bawi ang malaking puhunan na ginastos ni Sen. Bong at ng GMA Films. More power po!”