MANILA, Philippines - Ipinanganak sa Middlesex sa England, hindi maikakaila ang patuloy na pagsikat ng magkapatid na Phil at James Younghusband sa larangan ng sports dito sa Pilipinas. Pinay ang ina habang Briton naman ang ama ng dalawa na dati ring miyembro ng youth and reserve team ng kilalang football club sa England na Chelsea bago sila nakilala bilang mga star players ng Philippine national football team na Philippine Azkals.
Ngayong Miyerkules (Enero 11), susundan ng Anggulo ang buhay nina Phil at James na mapapanood sa TV5 at Aksyon TV (AKTV).
Kung dati’y popular lang sa mga Pinoy ang laro na basketball at boxing, sa pagpasok ng Azkals ay naging kadikit na ng pangalan ng magkapatid ang kasikatan ng football sa bansa.
Ngunit sa kabila ng maraming pagkakatulad, pansin pa rin sa magkapatid ang pagkakaiba sa maraming bagay.
Nauna nang lumahok sa isang celebrity singing competition ang striker na si Phil at nananatiling mainit na usapan ang espesyal na pagtitinginan nila ng artistang si Angel Locsin.
Ang mahiyain naman na midfielder na si James, sa kabilang banda, ay tali pa rin sa football habang tikom sa tinatamasang tagumpay. Ayon pa sa kanya, nais niyang gamitin ang kanilang popularidad upang mas ipakilala pa ang larong football sa bansa hindi lang para sa mayayaman kundi pati na rin sa mga hindi nabiyayaan sa buhay.
Pinagsisikapan din ng magkapatid na itaguyod ang The Younghusband Football Academy (TYFA), isang football tutorial program na sinusubukan dalhin ng dalawa sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Patunay naman ng kanilang kasikatan ang kaliwa’t kanang endorsement ng dalawa. Itinalaga rin sina Phil at James bilang mga football ambassadors ng AKTV, ang sports block ng TV5.
Samahan ang award-winning broadcast journalist na si Luchi Cruz-Valdes at ang mga senior reporters na sina Roices Naguit-Sibal, Maricel Halili, at Ina Zara sa mas malalimang pagkilala kina Phil at James sa Miyerkules, 10:15 p.m. pagkatapos ng P.S. I Love You sa TV5; at sa mas maagang oras (7:30 p.m.) sa Aksyon TV (Channel 41 sa Mega Manila, Channel 29 sa Metro Cebu at Davao, Channel 1 sa Cignal Digital TV, at Channel 59 sa Sky Cable).