Marian magpapaganda, mag-i-spa sa apat na araw na bakasyon

Kinunan kahapon sa last taping day ng Amaya ang final na paghaharap nina Marian Rivera at Gina Alajar bilang si Lamitan. Sa Calatagan, Batangas kinunan ni Direk Mac Alejandre ang eksena. Kuwento ni Marian, naiyak siya nang magkausap sila ni Direk Mac dahil mami-miss niya ito at mga nakasama sa epicserye.

Hindi sinabi ni Marian ang ending ng Amaya, basta may mga mamamatay, may magkakabati, at maraming mabibigyan ng leksiyon. Hindi niya ma­kakalimutan ang malalalim na Tagalog na ginamit nila na na-adapt niya up to now.

Sobrang thankful din si Marian kay Gina dahil tinuruan siya nito sa mga una niyang eksena at isa ang director-actress sa mami-miss niya.

“Nakakita ako ng family sa Amaya, kaya masaya na malungkot ako, but I’m looking forward sa My Beloved, ibang Marian ang mapapanood ninyo,” sabi ng Kapuso actress.

Sa finale week, may cameo ap­pearances sina Dingdong Dantes, Rocco Nacino, at Kris Bernal. Na-tweet ni Rocco na kahapon siya nag-taping, baka today naman ang taping ng iba. May cameo rin uli dapat si Aubrey Miles, pero nasa States pa ito at sa Friday pa ang balik.

Sa Jan. 11, may meeting siya with the production team para pag-usapan ang magiging looks niya sa soap nila ni Dingdong Dantes at sa Jan. 15, kundi mababago, magsisimula na siyang mag-taping. May four-day vacation siya at magpapaganda si Marian, pupunta sa spa at ipa-pamper ang sarili.

Totoo bang triple ang talent fee niya sa My Beloved sa TF niya sa Amaya?

“Smile na lang daw ako. Ang masasabi ko lang, binigay ng GMA ang request ng manager ko for me. Big bonus sa akin na makasama sa My Beloved at makasama si Dingdong,” sabi ni Yan.

Samantala, hindi niya maintindihan kung bakit ginagawang big issue ’pag may endorsement siyang hindi nare-renew eh, hindi naman forever siya ang endorser ng product na una siyang kinuha.

LT, Eric, at Albert magre-reunion sa pelikula

After ilang years, magkakaroon ng sequel ang pelikulang Pusong Mamon na sina Lorna Tolentino, Albert Martinez, at Eric Quizon pa rin ang mga bida, si Mel del Rosario pa rin ang scriptwriter at si Joel Lamangan pa rin ang director. This time, co-producers na rin ang tatlong bida kasama ang Viva Films. Pusong Mamon da Reunion ang magiging title ng movie, nag-storycon na ang project at balita ni Albert, first week ng March ang start ng shooting nila.

“Exciting project” ang tawag ni Albert sa sisimulang pelikula.

May suggestion dati na gawan ito ng TV remake ng TV5, pero nauna na pala ang sequel ng pelikula. Amenable si LT sa TV remake ng hit movie nila nina Eric at Albert, tiyak na mas happy ito na movie uli ang gagawin nilang tatlo.

G Toengi aapir sa TV5

Pati si Anne Curtis ay masaya sa bagong project ng kapatid na si Jasmine Curtis Smith, isang TV project sa TV5 with David Archuleta. Kasama rin sa drama series na wala pang title si Eula Caballero at love triangle yata sila ni Jasmine.

Sa Jan. 13 na ang dating ni Archuleta, ibig sabihin, kailangan na nitong mag-taping. Kung ganun, kailangan nang mag-decide ng direktor na ini-offer to direct the project kung lilipat o mananatili sa network kung saan siya may show ngayon.

Bukod kay Eula, kasama sa cast si G Toengi, so, abangan natin ang pagbabalik ng aktres sa bansa. Wala pang balita sa iba pang member ng cast.

Pero uunahin daw ipalabas ang Marya Kapra na pagbibidahan din ni Jasmine at sa time slot ng Pidol’s Wonderland ni Dolphy ilalagay. Co-production pa rin ito ng Viva TV at Viva staff ang in charge.

Kris at Vice Ganda feel mag-guest sa Kapuso

Masaya ang guesting nina Kris Aquino at Dingdong Dantes sa Gandang Gabi Vice ni Vice Ganda sa ABS-CBN. Nagpahayag sina Kris at Vice na type nilang mag-cameo sa My Beloved nina Dingdong at Marian Rivera pero malabong mangyari ito.

Nagulat ang mga viewers nang i-promote ni Dingdong sa show ng ABS-CBN ang My Beloved nila ni Marian. Sa Feb. 13, ang pilot nito sa direction ni Dominic Zapata.

Show comments