Totoo kayang desperada na ang isang actress? Ang unang-unang rason daw — wala na itong career. Kung meron man, hindi na kabonggahan, pasulput-sulpot na lang kumpara noong kanyang panahon na left and right ang kanyang trabaho at siya mismo ang tumatanggi sa maraming offer. Pero iba na ngayon.
Kaya ngayon pati simpleng mga isyu ay pinapatulan na niya dahil marami na siyang oras para mang-imbiyerna.
Ewan kung totoo naman ‘to. Wala na kasi sa kanyang balita at kung meron naman, puro nega naman.
But anyway, hayaan na lang daw ang actress sa kanyang mga pinaggagagawa sa buhay. Malamang kulang lang sa pansin!
Movie nina Claudine At Mark Anthony wala nang balita
Matutuloy pa kaya ang movie project na pagsasamahan nina Claudine Barretto at Mark Anthony Fernandez?
Dati pang nabalita ang nasabing pelikula nila pero ano na kayang nangyari?
Viva Films ang nabalitang producer ng pelikula.
Teka, bakit kaya biglang nananahimik si Mark Anthony? Parang nawala na naman siya sa eksena matapos ang maraming projects na binigay sa kanya ng GMA 7?
Si Claudine naman ay nagsabing maglalamyerda sa Europe kasama ang asawang si Raymart Santiago.
So, kelan kaya ito matutuloy?
Aktor nagbibisyo na naman
Balik sa dating gawi ang isang actor. Yup, binalikan daw nito ang bisyo kaya kung mapapansin n’yo, hindi na siya gaanong nakikita sa teleserye kung saan kasali siya.
Or, kung susulpot man ito, continuation lang ng character niya.
Nagugulantang nga ang ibang nanonood na forever na ’yung eksena ng actor at hindi na nabago hanggang ngayong matatapos na ang nasabing teleserye.
Kasi nga raw masakit na ang ulo ng director sa kanya kaya pinababayaan na lang siya sa trip niya. Umabot na kasi sa puntong nakikipag-tsikahan na ito sa sarili niya. Yup, ganun na raw siya kalala.
Pokwang Naka-Jackpot Sa A Mother’s Story
Naka-jackpot si Pokwang sa pelikulang A Mother’s Story na nagbukas sa mga sinehan kahapon. In fairness, pinipilahan ito.
Ayon sa mga nakapanood na sa pelikula, ibang-ibang Pokwang ang mapapanood sa movie. Ang galing daw at nakaka-drama pala ang komedyante.
Anyway, at least hindi pa sawa ang mga tao sa panonood ng sine. Katatapos lang ng Metro Manila Film Festival (MMFF) pero ayan at maraming nagpuntahan sa mga sinehan para manood pa.
Sana nga ay magtuluy-tuloy ito hanggang sa mga susunod na pelikula. Importante kasi talaga na maganda ang palabas lalo na ang kuwento para panoorin at gastusan ng mga tao.
Ang mahal kaya ng sinehan. Almost P200 na.
MMFF 2011 umabot sa target na P600M
Wala pang inilalabas na official na kita ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa natapos na 2011 MMFF.
Sa unofficial result after New Year, hindi na natinag ang pagiging No. 1 ng Enteng ng Ina Mo, nagkatotoo ang wish ni Kris na mag-No. 2 ang Segunda Mano at pangatlo ang Panday 2.
Pang-apat ang Shake, Rattle and Roll 13 ng Regal Entertainment, Inc., sunod ang My Househusband, pang-anim ang Manila Kingpin: The Asiong Salonga Story, at nasa huling puwesto ang Yesterday Today and Tomorrow.
Unang nawala sa mga sinehan ang Yesterday… dahil nga nagbalik na ang mga foreign films na tumigil sa pagpapalabas nang magsimula ang MMFF at nagbukas na nga sa mga sinehan ang movie ni Pokwang. ’Yung iba namang mga sinehan ay palabas pa rin ang mga MMFF entries kaya puwede pang umulit.
Six hundred million pesos ang target ng MMFF this year at balitang umabot na ito sa target nila.